PSN Probinsiya ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

4 patay sa killer trak

LEGAZPI CITY, Albay  , Philippines  —   Apat-katao ang namatay makaraang salpukin ng trak ang kasalubong na motorsiklo sa kahabaan ng highway sa Barangay Bagong Silang 1 sa bayan ng Labo, Camarines Norte kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang mga namatay na magkakamag-anak na si Ricosan Hagad, 29, driver ng motorsiklo, mga kaangkas na sina Lilibeth Bayog, 39; Danielle Mendrique, 8; at si Rica Mae Hagad, 2, mga nakatira sa Barangay Cabatuhan.

Sa police report na nakarating sa Camp Simeon Ola, nawalan ng kontrol sa manibela ang drayber ng trak (ALA 8938) na si Norben Doctor, 45, ng Barangay Exiban kaya nasalpok sa kabilang linya ang kasalubong na motorsiklo ng mga biktima.

Sa lakas ng pagkakabangga, nawasak ang motorsiklo at tumilapon nang ilang metro sa kalsada ang mga biktima kung saan namatay noon din si Rica Mae habang tinangkang isugod ng mga tauhan ng MDRRMC-Labo sina Hagad, Bayog at Mendrique sa Camarines Norte District Hospital pero dineklarang patay.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, posibleng nakaidlip ang driver ng trak kaya naganap ang insidente.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide ang drayber ng trak.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: