2 top leader ng CPP-NPA natimbog
MANILA, Philippines — Dalawang mataas na lider ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang nasakote ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya sa isinagawang operasyon sa Brgy. Dulao, Bago City, Negros Occidental kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Capt. Ruel Llanes, Civil Military Operations Officer ng 303rd Infantry Brigade ng Philippine Army (PA), ang mga nasakoteng suspek ay sina Aurora Cayon alyas Ka Lilay at Louie Antonio Martinez alyas Ka Louie Castro; pawang sa lungsod ng Kabankalan. Sila ay kapwa national staff ng CPP-NPA na kumikilos sa lalawigan at mga karatig na lugar.
Bandang ala-1:30 ng hapon kamakalawa nang masakote ng pinagsanib na elemento ng PA at PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) 6 ang dalawang communist leader sa naturang lugar.
Ayon naman kay Supt. Gilbert Gorero, spokesman ng Police Regional Office (PRO) 6, inaresto ang mga suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte sa kasong arson, robbery at multiple attempted murder. Nakumpiska mula sa dalawa ang isang cal 45 pistol na may apat na bala at isang granada.
- Latest