11 ISIS-inspired group, sumuko
NORTH COTABATO , Philippines - Sumuko sa pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang 11 miyembro ng ISIS-inspired group na Jaamatul Muhajireen Al Wansar sa bayan ng Datu Salibo, Maguindanao, kahapon.
Nagdesisyon ang 11 na tumiwalag na sa grupo ni Esmael Abdulmalik alyas Abu Turaife dahil nahihirapan na silang magtago at lumaban sa Task Force Ittihad ng MILF, mga sundalo at pulis na tumutugis sa kanila.
Pansamantalang hindi pinangalanan ang mga nagsisuko matapos na makiusap ang mga ito para na rin sa kapakanan ng kani-kanilang pamilya.
Nabatid na sumuko kahapon sa MILF 105th base command sa pamumuno ni Kumander Haon kung saan nanumpa sa Qur’an at nangakong magbabago sa harap naman ni Ustadz Muhideen.
Sa kabuuan, aabot na sa 25 miyembro ng teroristang grupo ang nalalagas mula ng pagtugis ng Task Force Ittihad noon pang nakalipas na linggo.
Narekober naman ang 10 improvised explosive device at iba’t ibang uri ng high-powered firearm sa SMPS Box sa Maguindanao na pinamumugaran naman ng mga terorista.
- Latest