^

PSN Opinyon

‘Karunungan laban sa kahirapan’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Sa lumalaking populasyon ng bansa at araw-araw ay may ipinanganganak at may pumapasok sa eskwela talagang nagkukulang ang mga silid-aralan sa mga paaralan.

Kung ang libreng libro o pahiram na libro ng eskwelahan nga ay pinaghahatian na ng ilang estudyante at ang mga guro ay ilang subject na din ang tinuturo.

Malaking bagay sa bawat pampublikong eskwelahan kung saan buhos ang dami ng mga mag-aaral ay mas kinakailangan ng malawak at maraming silid aralan para hindi maging mala-sardinas ang mga bata sa sikip.

Mahigit sa dalawang libong mga estudyante ng Manila at ng Negros Occidental ang nabiyayaan na magkaroon ng mga bagong silid aralan nang pormal na mai-turn over ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang mga bagong gusali sa dalawang eskwelahan.

Ang P. Gomez Elementary School (PGES) sa Sta. Cruz Manila ang napiling bigyan ng PAGCOR ng apat na palapag na gusali na may dalawampung silid-aralan.

Sa Doña Hortencia Salas Benedicto National High School (DHSBNHS) sa La Carlota City, Negros Occidental naman ay dalawa  ring palapag na may sampung silid aralan ang naihandog ng PAGCOR.

Ang PGES ang pinakaunang pampublikong paaralan sa Manila na nakatanggap ng gusali mula sa ahensiya. Mayroong 5,200 na estudyante ang PGES pero ang kanilang mga nagagamit na silid aralan lang ay 27.

Maliban dito kinakailangan pa nilang magkaroon ng pang-umaga at pang hapon na palitan para lang lahat  ng mga mag-aaral ay makapasok at makapag-aral.

Hindi lang naman ang PGES ang nakakaranas ng ganitong problema kundi marami pa din sa ating mga pampublikong paaralan na nasanay na sa ganitong sistema. Ang iba pa diyan halos wala ng espasyo ang silid aralan sa dami ng estudyante.

Ayon kay Noel Gelua ang Prinsipal ng PGES, ang donasyong gusali ng PAGCOR sa kanila ay magagamit ng mahigit 1,300 na kindergarten at Grade 4 students na kasalukuyang nagsasagawa ng kanilang klase sa tatlong dekada na ang tanda.

“Sobrang excited na ng mga bata at teachers kasi iba yung pakiramdam ng lilipat ka sa bagong classrooms. Parang lilipat ka sa bagong bahay. Isa pa, hindi na safe para sa mga estudyante at guro ang mga classrooms na ginagamit nila ngayon dahil sobrang luma na,” pahayag ni Gelua.

Ang pag-turn over ng gusali sa PGES ay pinangunahan ni PAGCOR Chairman at CEO Andrea Domingo na ipinagmamalaking nag-aral siya ng kanyang fourth grade sa 102 taong eskwelahan.

Limampu’t walong taong gulang na raw ang nakakalipas ng mag-aral siya doon. Nasa siyam na taong gulang siya. Galing siya ng probinsya at ang ilang mga kaklase ay binubully siya.

Ang pamamalagi niya sa nasabing eskwelahan ay nagturo sa kanya para maging matapang at nakatulong para marating niya kung sino siya ngayon.

SA DHSBNHS naman sa La Carlota City ay halos isang libong senior high school students ang nagsasagawa ng kanilang mga klase sa luma at pasira nang silid-aralan ang makikinabang sa inihandog ng PAGCOR sa eskwelahan.

Nagpahayag na ng katuwaan ang Grade 12 student na si Mary Lee Salazar pati na ang kanyang mga kaklase na gustung-gusto na nilang magamit ang bagong silid-aralan na malayo sa maaanay na nilang silid  aralan.

“Naranasan na po namin bahain sa loob ng mga dati naming classroom habang malakas ang ulan.  Paminsan po may mga nahuhulog na ding pira-pirasong kahoy mula sa kisame,” salaysay ni Salazar.

Ang DHSBNHS ay itinayo nung taong 1947 na tinawag noong La Carlota Provincial High School halos dalawang taon makalipas ang pagtatapos ng World War II.

Sa ngayon ay ito ang may pinakamalaking bilang ng estud­yante sa Bacolod na aabot sa 3,652.

Naroon sa paghahandog ng gusali si PAGCOR Asst. Vice President for Community Relations and Services na si Arnell Ignacio.

Sinabi ni Ignacio na ginagawa nila ang lahat para matulu­ngan ang sektor ng edukasyon na magkaroon ng mas maayos na pasilidad. Sa ganitong paraan baka sakali at umaasa sila na magkaroon ng mas magandang edukasyon at kaalaman ang kabataan at mapalakas ang mga ito.

Nagpapasalamat naman ang Prinsipal ng DHSBNHS na si Dr. Leopoldo Sichon sa napakahalagang kaloob sa kanila ng PAGCOR.

“Words cannot express how happy and thankful we are for this new facility. This is indeed a wonderful blessing to our students and staff which would not have been possible without PAGCOR’s generosity,” pahayag ni Sichon.

Sa kasalukuyan ang school building program ng PAGCOR ay nakapagbigay na ng kabuuang 6,931 classrooms sa 54 lugar sa buong bansa.

Maliban pa dito ay may 2,404 na silid-aralan sa 220 sites ang kasalukuyang ginagawa habang 173 classrooms naman sa 22 sites ang under procurement.

Maraming bilang ng mga paaralan ang nasalanta ng kalamidad o ang ilan ay sadyang wala lang sapat na budget para maipaayos ang luma at nasisira na nilang eskwelahan.

Kung may mga ahensya tulad ng PAGCOR na tumutulong para mas maging maayos ang edukasyon sa bansa ay siguradong maraming kabataan ang mas matututo at gaganahan sa pag-aaral.

Mas magiging maganda ang paligid na kanilang pinag-aaralan at mas may maiintindihan sila sa itinuturo ng mga guro dahil komportable sila sa kinalalagyan.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

 

vuukle comment

PAGCOR

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with