^

PSN Opinyon

‘Ninakaw ko sarili ko’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

MARAMING PEKE sa ‘social networking sites’ tulad ng Facebook. May mga reklamo pa nga tungkol sa ‘identity theft’ para makakuha ng pera sa mga kakilala at kamag-anak ng taong ginagaya.

Hindi dahil malaya kang mag-post ng anumang gusto mo ay dapat mo ng ilagay lahat dahil nakikita ng publiko ang mga ito.

“Naiiyak ang anak ko sa hiya dahil sa ginagawa nila. Naging maiinitin na ang ulo niya,” ayon kay Benigno.

Kung anu-anong kalaswaan ang pino-post sa social networ­king site na Facebook laban sa anak ng taga Albay na si Benigno Sablaon Jr.

Laspag at nagpalaglag ilan lang ito sa mga nakakahiyang post laban sa kanyang bunsong anak na si Janesa.

Ang mga fb account na may pangalang Ricardo B. Ollano, Anthony Gumba, Sablaon Ollano Jan Darrel (Janjan Johnny brackz bravo), Scie Ollano Santos, Clark Sison, Recie Ollano, Jake Setin Paner at Christian Ramuyan (Janesa Sablaon).

“Kahit na iba-iba ang pangalan ng mga account na yan halatang iisa lang ang gumagawa. Sa totoo lang hindi lang kami ang biktima nito,” pahayag ni Benigno.

Si Recie Ollano na asawa ng anak niyang lalaki ang umano’y gu­magawa ng paninirang ito sa anak na si Janesa.

Nung simula ay hindi nila ito pinapansin sa pag-aakalang titigil din ito at mapapagod sa kalokohang ginagawa. Nung nagtuluy-tuloy ito at mukhang walang planong huminto dun na sila naalarma.

“Ang pinaghihinalaan naming may gawa ng ganitong kalaswaan ay ang asawa ng anak kong isa. Kahit ako sinasabihan niya na ng masasakit,” wika ni Benigno.

Kahit daw sa lugar ng babae ay may nagrereklamo rin sa kanya sa parehong gawain. Gagawa raw ito ng fake account at mag-i-invite ng mga kakilala ng inilagay na pangalan.

Kapag na-add niya na ang mga kakilala o kamag-anak ay saka na siya magpopost ng hindi magaganda para manira.

Ilan lang sa mga naka-post dun ay ang pagsasabing hindi raw umano virgin itong si Janesa. Dapat daw ay niraspa siya at pumayat pa daw sana siya.

Nagsimula daw ang ganitong paninira kay Janesa taong 2014 pa lang. Hindi nila alam kung ano ang dahilan bakit naninira ito gayung wala naman silang ginagawang masama.

Oktubre 2016 nang dumulog sa barangay nina Recie sina Benigno para maghain ng reklamo.

Bitbit niya ang screenshot ng mga post sa Facebook. Desidido na ang pamilya nila na ihabla ito dahil mukhang wala naman itong balak tumigil.

Napeperwisyo na rin si Janesa dahil napapahiya ito sa sinumang kakilala o kamag-anak na nakakabasa ng mga malalaswang post. Litrato pa ng anak niya ang ginagamit sa mga ito.

Nakarating naman sa kaalaman ng pamilya ni Recie ang reklamo at nagtakda ng kanilang pag­haharap sa barangay.

Hindi lang natuloy ang kanilang paghaharap dahil may mahalagang kailangan puntahan ang Kapitan.

“Sa totoo lang malayo ang tinitirhan ng akusado sa lugar namin. May mga nagreklamo na rin sa kanya sa ganyang gawain,” sabi ni Benigno.

Kasalukuyang nasa Laguna si Janesa dahil dun nagtatrabaho at si Recie naman ay nasa Albay. Bente dos anyos ang kanyang anak at wala na raw itong mukhang maihaharap sa mga nakakabasa ng mga nasabing post.

Mula raw nang mangyari ito ay nagbago na si Janesa. Lagi na raw mainit ang ulo nito.

Maging si Benigno ay sinasabihan ng hindi magaganda ni Recie.

“Inutil na raw ako at walang silbi. Hindi niya na ako ginagalang. Pati ako binu-bully, 53 anyos na ako at disable na,” kwento ni Benigno.

Ang tanging gusto lang naman daw nina Benigno ay matuldukan ang paninirang puri na ito.

Matapos naming makausap si Benigno ay tumawag siya sa amin para ipaalam ang magandang balita.

Nagtungo raw sa kanilang bahay si Recie kasama ng pamilya nito para humingi ng tawad.

Inamin ni Recie na siya ang gumagawa ng paninira. Tinanong ni Benigno kung ano ang dahilan niya sa paggawa nito ngunit hindi naman ito sumasagot.

Nangako raw ito na ititigil na ang ginagawa at hindi na uulitin. Nakiusap naman daw ang pamilya ni Recie na iurong na ang reklamo ni Benigno sa barangay.

“Hiniling din ng anak ko na asawa ni Recie na huwag na raw akong pumunta dun sa patawag sa barangay,” ayon kay Benigno.

Nagdadalawang isip naman daw si Janesa dahil sa pangambang maulit ito. Sa dulo ay napagpasyahan nilang huwag nang ituloy ang reklamo laban dito.

Tanong din ni Benigno paano kung sakaling maulit ang pangyayaring ito pwede pa ba silang magreklamo?

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, may Cybercrime Law o yung Republic Act 10175 na naaprubahan noong Setyembre 2012. Ang mga paglabag sa batas na ito ay ang cyber squatting, cybersex, child pornography, identity theft, illegal access to data at libel. 

Kung akala niyo hindi kayo mahuhuli ang National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay meron ng paraan  para ma-trace sa pamamagitan ng mga IP address kung saang lugar at anong computer ang ginamit.

Mas mabuting dumalo pa rin si Benigno sa patawag sa barangay nang sa ganun kung talagang makikipag-ayos ang kabilang panig ay magkaroon sila ng kasulatan bilang patunay na nangangako itong hindi na uulitin ang ginawang paninira.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari ka­yong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

vuukle comment

FACEBOOK

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with