Trak swak sa bangin: 1 patay, 6 sugatan
MANILA, Philippines – Isa-katao ang namatay habang anim naman ang malubhang nasugatan matapos na mahulog ang isang trak sa may 200 metrong lalim na bangin sa Barangay Induyan Alno, bayan ng La Trinidad, Benguet noong Biyernes ng hapon. Kinilala ni Cordillera Police Spokesperson P/Supt. Cherry Fajardo, ang biktima na si Pedro Gumisa, 47, habang kritikal naman sina Roger Widwidan, 15; Tony Pinmangin, 35; driver na si Kim Tunguet, 22; at tatlong iba pa na hindi natukoy ang pagkakakilanlan. Nabatid na ang tatlong hindi nakilalang nasugatan ay tumalon mula sa trak habang bumubulusok ito sa may 200 metrong lalim na bangin. Bandang alas-3:30 ng hapon habang bumabagtas ang Isuzu Elf truck 153 ni Tunguet nang may pumasok na paru-paro sa unahang bahagi ng sasakyan na binubugaw ng driver bunsod upang mawalan ito ng pokus sa pagmamaneho. Huli na nang hindi namalayan ng driver na pabulusok na sila sa bangin.
- Latest