Van pinasabog sa parking lot
CAVITE, Philippines – Maituturong terorismo ang pagpapasabog sa isang van na nakaparada sa harapan ng pamosong restaurant malapit sa presinto ng pulisya sa Barangay Sampaloc 1 sa kahabaan ng Aguinaldo Highway sa Dasmariñas City, Cavite kamakalawa ng gabi.
Sa naantalang ulat ng Dasmariñas City PNP na isinumite sa Camp Pantaleon Garcia, bandang alas-7:55 ng gabi nang sumabog ang pulang Nissan Urvan (AAX 7482) ni Michael Soriano, 42, ng Tierra Vista Subdivision sa Barangay Langkaan 1 sa nasabing lungsod.
Nadamay naman ang Toyota Hi-Ace van (VFE 804) kung saan nasa loob pa ang driver na si Marvin Lagdamen, 34, ng Lipa City, Batangas.
Hindi naman nasugatan si Soriano dahil kumakain ito sa restaurant nang sumabog ang sasakyan habang si Lagdamen naman ay natutulog sa kanyang van.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, inilagay ang improvised explosive device (IED) sa ilalim ng pulang van ni Soriano habang patuloy naman ang imbestigasyon.
- Latest