Pangasinan, mawawalan ng kuryente
LINGAYEN, Pangasinan, Philippines—Pansamantalang mawawalan ng kuryente sa ilang bahagi ng Pangasinan bukas (Abril 6) dahil sa isasagawang preventive maintenance.
Sa pahayag ni Lilibeth Gaydowen, North Luzon corporate communications and public affairs ng National Grid Corporation of the Philippines(NGCP), pansamantalang mawawalan ng daloy ng kuryente sa mga bayan ng Malasiqui, Binmaley, Lingayen, Bugallon, Mangatarem, Urbiztondo at sa San Carlos City substations na sakop ng Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO) mula alas-8 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi sa Miyerkules.
Binanggit pa ni Gaydowen na ang dahilan ng pansamantalang pagkaantala ng daloy ng kuryente ay upang bigyan-daan ang taunang preventive maintenance, ang pagsubok sa 50MVA power transformer ng NGCP sa Labrador substation.
Tinukoy pa ang maintenance at corrective activities ng Labrador-Malasiqui 69kV transmission line at upang ma-accommodate ang hiling ng CENPELCO para sa kanilang preventive maintenance at testing ng substation equipment.
Idinagdag pa ni Gaydowen na maibabalik agad ang normal ng daloy ng kuryente pagkatapos ng mga nabanggit na gawain.
- Latest