Pang-Masa ( Leaderboard Top ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

Mga armadong tanod sa buong bansa dakpin!

MANILA, Philippines — Nagpalabas kahapon ng direktiba si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa sa lahat ng hepe at unit ng pulisya na arestuhin at disarmahan ang lahat ng mga barangay tanod sa buong bansa na nagdadala ng mga baril.

Ginawa ni Dela Rosa ang kautusan kasunod ng madugong insidente sa Mandaluyong City matapos na masangkot ang isang grupo ng mga barangay tanod sa pamamaril sa mga sibilyan na lulan ng isang van at makisali pa ang nagrespondeng mga tauhan ng pulisya na lulan ng dalawang police mobile car na ikinasawi ng dalawa katao habang dalawa pa ang nasugatan noong Dis­yembre 28 ng gabi.

“First of all itong mga tanod na ito they are not authorized to carry guns kaya right now I am giving instruction to all members of the PNP, hulihin nyo lahat ng tanod dyan na armado magalit na kung magalit dyan yung mga mayor na bossing ng mga tanod na yan wala akong pakialam”, pahayag  ni Dela Rosa.

Pero nilinaw ni Dela Rosa na maari lamang magdala ng mga armas ang mga barangay tanod maliban na lang kung sila ay may Permit to Carry Firearms Outside of Re­sidence (PTCFOR) pero hindi ito maaring bitbitin sa anumang operasyon o kaya ay idisplay sa mga matataong lugar tulad sa mga simbahan, plaza at iba pa.

Hindi rin maaring gamitin sa pagroronda ng mga tanod ang kanilang mga armas  na dapat ay nakatago lamang habang dala sa labas ng tahanan dahilan pang depensa lang ito.

Nilinaw din ni Dela Rosa na pinahihintulutan ang mga local government units na isyuhan ng mga armas ang mga sibilyan na bahagi ng Civil Security Unit, pero otorisado lamang ang mga ito na magdala ng armas sa loob ng compound ng muni­sipyo bilang security.

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1
  • Follow Us: