Pang-Masa ( Leaderboard Top ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

Biyahe ng MRT-3 bumubuti na-DOTr

MANILA, Philippines — Masayang inianunsyo ng isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) ang unti-unti nang paghusay ng serbisyo ng mga tren ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Ito’y dalawang araw pa lamang matapos na kanselahin ng DOTr ang maintenance contract sa kanila ng Busan Universal Rail Inc. (BURI).

Ayon kay DOTr Undersecretary for Rails Cesar Chavez, wala silang naitalang unloading incidents sa peak hours nitong Huwebes, na isang “good indicator” aniya nang paghusay ng performance ng mga tren ng MRT-3.

Sa service status report ng MRT-3 nito ng Nobyembre 9, walang naganap na aberya ng mga tren noong umaga, ngunit may mga ­aberya pa ring naitala dakong alas-12:27 ng tanghali sa northbound ng Shaw Boulevard Station at nasundan pa ng panibagong aberya dakong ala-1:11 ng hapon sa northbound ng Guadalupe Station.

Sinabi naman ni Chavez na umabot sa 15 tren ang pinabiyahe nila nitong Huwebes ng umaga, habang may dalawa pang inihahandang magserbisyo sa train depot, para mabawasan ang pila sa mga istasyon ng tren.

Nanawagan din naman si Chavez sa mga pasaherong sumasakay sa North ­Avenue Station na i-adjust ang kanilang travel time ng mas maaga ng kalaha­ting oras para maging mas kumportable ang kanilang biyahe. Muli rin namang tiniyak ni Chavez sa riding public na ligtas pa rin ang MRT-3 kaya’t wala silang dapat na ipangamba sa pagsakay dito.

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1
  • Follow Us: