Hapilon, Omar Maute napatay
MANILA, Philippines — Sa ika-147 araw ng krisis sa Marawi City ay napatay na ng tropa ng sundalo sa isinagawang assault operation ang dalawang mataas na lider ng ekstremistang Maute terror group na sina Omar Maute at Isnilon Hapilon kahapon ng madaling araw.
Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na patay na nga sina Hapilon at Maute nang salakayin ng mga sundalo ang lugar na pinagtataguan sa isang gusali sa lungsod matapos itong ituro ng nakatakas ng 16-anyos na babaeng bihag.
“Nakakuha ng testimonya ang tropa mula sa babaeng bihag na nakatakas at itinuro kung saang partikular na gusali nagtatago sina Isnilon at Maute kaya’t isinagawa ang assault operation at napatay ang dalawang terorista at narekober ang bangkay ng dalawa,” wika ni Lorenzana sa isang press conference.
“Yes, I confirm the killing of Hapilon at saka Omar Maute, early this morning.We were supposed to go to Marawi with the President pero were prevailed upon by the Commanders on the ground to postponed our trip because they are going to conduct the assault today,” pahayag ni Lorenzana.
Nagresulta ang pagkakapaslang sa dalawang lider ng terorista ang pagkakaligtas ng 17 pang mga hostages sa battle zone.
Ayon naman kay AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año, dakong alas-2:00 ng madaling araw nang maglunsad ng assault operation ang Joint Task Force (JTF) Marawi sa battle zone na ikinasawi ng pitong terorista kabilang sina Hapilon at Omar.
Inamin ni Año na pakay pa ng kanilang operasyon ang nasa 40 Maute-ISIS kabilang si Dr. Ahmad Mahmoud, isang Malaysian ISIS terrorist na kasamang nakikipagbakbakan.
Isasailalim sa DNA test ang mga bangkay nina Hapilon na may patong sa ulo ng $ 5-M mula sa US at karagdagang P5-M mula sa gobyerno habang si Omar ay may patong sa ulo na P5-M.
Magugunita na una nang inianunsyo ng AFP nitong Setyembre base sa intelligence reports ang pagkamatay ng tatlong Maute brothers na sina Abdullah, Otto at Maddie Maute ; pawang hindi narekober ang bangkay sa encounter site.
Sa pagkamatay nina Hapilon at Omar, sinabi ni Lorenzana na tatapusin na nila ang operasyon sa Marawi City sa mga susunod na araw.
“We will announce the termination of hostilities in the coming days once government forces have ensured that there are no more terrorists-stragglers in the city and we have cleared all structures of IEDs (Improvised Explosive Device) and other traps,” ani Lorenzana.
- Latest