Mayor, police major at tserman inireklamo ng rape
MANILA, Philippines - Nakatakdang isampa ng National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Organized and Transnational Crime Division (AOTC) National Prosdecution Service sa Department of Justice (DOJ) ang reklamong rape at qualified seduction in relation to Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act (Republic Act 7610) laban sa isang alkalde, isang police major at isang barangay chairman batay sa reklamo ng isang 14-anyos dalagita.
Batay sa dokumento mula sa NBI, nitong nakalipas na Nobyembre 28, ang complainant na estudyante at miyembro ng grupong “Obyus”, residente ng Barangay 12, Balayan Batangas ay sinamahan ng kaniyang magulang para ireklamo si Balayan Mayor Emmanuel Fronda Jr. sa panggagahasa sa kaniya noong nakalipas na Pista ng Patrong San Juan (Hunyo 24) sa Alves Lodge sa Balayan, Batangas at matapos iyon ay binigyan siya ng pera sa kabila nang pagtanggi nito.
Sabit din sa reklamong qualified seduction ang dating hepe ng Balayan, Batangas Police na si P/Chief Inspector Christopher Guste na nagsama umano sa kaniya sa Alves Lodge at binayaran siya ng P400 noong Hulyo 3, 2016.
Ang ikatlong inireklamo ay si Barangay 12 Chairman Romeo Fronda Erilla, pinsan ng alkalde na kinasuhan ng Qualified Seduction din na may violation sa RA 7610 matapos siyang dalhin noong Hulyo 3 at 20 at Agosto 3, 2016 sa Alves Lodge at ni-rape.
Bukod sa reklamo sa NBI, naipagharap na rin ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang tatlong opisyal ng gobyerno.
Isang menor-de-edad na kaibigan ng biktima ang kukunan sana ng salaysay ng NBI matapos ituro ng biktima na nakasama niya sa pagkakataong dinala siya sa Alves Lodge, subalit hindi pinayagan ng mga magulang na makasali ito sa nasabing imbestigasyon.
Nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Cavite ang biktima para sa kaniyang proteksiyon.
- Latest