Misuari kinasuhan sa P137-M educational materials scam
MANILA, Philippines – Dahil umano sa maanomalyang pagbili ng educational materials na may kabuuang halagang P137.7 milyon noong 2000 hanggang 2001 ay inaprubahan na ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang pagsasampa ng kasong graft at malversation kay dating ARMM Governor Nur Misuari.
Tatlong counts ng malversation of public Funds through falsification at tatlong counts ng graft ang inaprubahan ni Morales na isampa kay Misuari sa Sandiganbayan makaraang lumabas sa pagbusisi ng Commission on Audit (COA) na irregular at walang public bidding ang pagbili at pagbabayad ng tanggapan ni Misuari sa limang suppliers ng mga textbooks at educational materials na may kabuuang halagang P137,511,108.14.
Bukod sa walang public bidding ang pagbili sa naturang mga suplay ay nadiskubre din ng COA na undated at unnumbered ang procurement documents nito, walang kontrata, walang inventory at distribution lists at walang compliance ng eligibility requirements ng mga suppliers.
Bukod kay Misuari ay pinakakasuhan din sina dating DepEd ARMM executives Director Leovigilda Cinches, Supply Officer Sittie Aisa Usman, Accountant Alladin Usi, Chief Accountant Pangalian Maniri, Education Program Specialist Bai Sherilyn Mustapha, COA Auditor Nader Macagaan.
Gayundin sabit sa kaso ang mga suppliers na sina Lolita Sambeli ng White Orchids, Cristeta Ramirez ng CPR Publishing, Mario Barria ng Esteem Enterprises at Ma. Lourdes Mendoza ng Dunong Publishing.
- Latest