Matapos pugutan ang 18-anyos kidnap victim... Abu Sayyaf durugin-Digong
MANILA, Philippines – Agad ipinag-utos kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na durugin ang Abu Sayyaf Group matapos makarating sa kanya ang balita ang pagpugot sa isang 18-anyos na kidnap victim.
Batay sa ulat ni AFP Western Mindanao Command Spokesman Major Felimon Tan, bandang alas-7:30 ng gabi nang marekober ang pugot na ulo ng kidnap victim na si Partrick Jhames Almodovar matapos itong itapon ng mga kidnaper sa Brgy. Kadjatan, Indanan, Sulu.
Nakabalot ang pugot na ulo sa isang plastic bag na iniwan ng umano’y tatlong miyembro ng bandidong Abu Sayyaf Group na lulan ng motorsiklo sa nasabing lugar.
Si Almodovar na anak ng isang negosyante ay dinukot ng grupo ni Ajang-Ajang ng Abu Sayyaf noong Hulyo 16, 2016 sa Brgy. Asturias, Jolo, Sulu.
Bago ito ay nagbanta ang mga kidnaper na pupugutan ng ulo si Almodovar kapag nabigo ang pamilya nito na magbayad ng P 1 M ransom.
“That’s why I’m sending the troops there and tell them to destroy. My orders to the police and to the armed forces, against all enemies of the state, seek them out and destroy them. Ang mga droga, destroy them. Ang mga Abu Sayyaf, destroy them. Period,” wika pa ni Pangulong Duterte sa kanyang press conference sa Davao City kahapon ng madaling araw.
Magugunita na ang dalawang bihag na Canadian na sina John Ridsdel at Robert Hall ang huling pinugutan ng ulo ng mga bandido noong Abril at Hunyo ng taong ito matapos na mabigong magbayad ng P300 M at P600 M ransom.
- Latest