Digong sa China: ‘Wag nyong subukang lusubin ang Pilipinas
MANILA, Philippines – ‘Wag ninyong susubukang lusubin ang Pilipinas”.
Ito ang naging babala kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China na kanyang ipinahayag sa harapan ng mga sundalo sa 2nd Infantry Division sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal.
Sinabi ni Pangulong Duterte, hindi mangunguna ang Pilipinas sa giyera pero tinitiyak nitong kapag umatake ang China, magiging madugo.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi basta bibigay na lamang ang mga sundalo ng hindi lumalaban.
Tiniyak din ni Pangulo na tulad ng mga sundalo, handa siyang mamatay para sa bayan.
Kaya kahit ayaw daw nito ng giyera, mahalagang ihanda ang puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para kayang idepensa at protektahan ang ating teritoryo.
Bilang bahagi ng paghahanda, inulit ng Pangulo na hindi susunod sa ‘lowest bidder scheme’ bagkus bibili ng pinakamagandang klase ng gamit panggiyera.
“I guarantee to them kung kayo ang pumasok dito it will be bloody. Ako po ay Pilipino. Parehas niyo magpapakamatay ako para sa bayan.” wika pa ni Duterte.
“Paano ba natin maipagtanggol ang ating Inang Bayan in our own little way because we are not that rich? But I am sure to guarantee to them kung kayo ang pumasok dito, it will be bloody and we will not give it to them easily,” dagdag pa ng Pangulo.
“They better come up with ano ba talaga ang gusto nila. Whether they like it or not, that arbitral judgement would be insisted not only by the Philippines but by the whole countries dito sa Southeast Asia,” giit pa ni Duterte.
“I hope China is dealing with us in good faith. They seem to be conciliatory but we are not insisting on the arbitral judgment. I know they are listening to us now,” paliwanag pa ni Pangulong Duterte.
- Latest