Brownlee inihatid ang Alab Pilipinas sa tagumpay
MANILA, Philippines — Nagwagi ang Tanduay-Alab Pilipinas laban sa Indonesia CLS Knights, 92-87, upang masungkit ang pang-limang panalo sa 2017-2018 ASEAN Basketball League sa GOR CLS Kertajaya Gym sa Surabaya, Indonesia noong Sabado ng gabi.
Umiskor si import Justin Brownlee ng 36 points kabilang ang apat na triples para pangunahan ang back-to-back wins ng tropa ni coach Jimmy Alapag at umangat sa pang-apat na puwesto sa 5-4 kartada.
Umiskor si Brownlee ng 18 points para sa 29-18 bentahe.
Dahil naman sa kanilang pagkatalo ay lalong nabaon ang Indonesian Knights sa 1-7.
Hindi naging magaan ang panalo ng tropa ni Alapag dahil lumamang pa ang CLS Knights ng tatlong beses, ang una ay sa 42-40, bago nabawi nina Rico Maierhofer at Brownlee ang bentahe para sa 48-44 kalamangan sa first half.
Tumipak din si Brownlee, ang Ginebra resident import ng 8 rebounds, 7 assists at 3 steals ang huli ay nagpa-angat sa Alab sa 69-67 sa third period.
Sa ikalawang pagkakataon ay dinomina ng Alab Pilipinas ang three-point area sa kanilang kabuuang 11 triples bukod sa 23 assists kumpara sa 19 ng Knights.
Si Puerto Rican import Renato Balkman ay nagdagdag ng 17 points na may kasamang 13 rebounds, 2 assists at 2 steals, habang si Bobby Ray Parks, Jr. ay umiskor ng 14 markers kasunod ang 11 points ni Josh Urbiztundo.
Lalong tumibay ang pag-asa ng Alab dahil umakyat sila sa ikaapat na puwesto (5-4) sa likuran ng nangunguna at nagdedepensang Hong Kong Eastern Lions (8-1), Chong Son Kung Fu ng China (4-1) at Mono Vampire (7-4).
Ang Saigon Heat ay pang-lima sa 4-3 kasunod ang Singapore Slingers (5-6).
Pinangunahan ni import Bryan Williams ang Indonesian Knights mula sa kanyang 22 puntos, habang si Dan Kurniayawan ay nag-ambag ng 19 markers.
Sa iba pang laro, nakatakas ang Thailand Mono Vampire laban sa Singapore Slingers, 91-88, sa OCBC Arena sa Singapore, habang pinabagsak ng Hong Kong Eastern Lions ang Formosa Dreamers, 99-79.
- Latest