Paul, Harden nagbida sa panalo ng Rockets
HOUSTON — Tinapos ng Rockets ang sinasakyang 14-game road winning streak ng Warriors.
Ito ay matapos talunin ng Houston ang Golden State, 116-108, sa likod ng 33 points at 11 rebounds ni point guard Chris Paul.
Dalawang beses namang sinapawan ni James Harden si Stephen Curry sa duwelo ng dalawang NBA superstars.
“Obviously they’re a championship caliber team for the past four years ... and that’s what we’re trying to build our way up to,” sabi ni Harden.
Umatras si Harden kay Curry para isalpak ang kanyang three-pointer bago tumunog ang kanilang shot clock para ibigay sa Rockets ang 114-108 abante sa huling 1:10 minuto ng fourth quarter.
Matapos ito ay sinupalpal naman ni Harden ang 3-point attempt ni Curry mula sa timeout ng Warriors.
Nagdagdag si Harden ng 22 points, samantalang nagsalpak si Paul ng dalawang free throws sa huling 28 segundo para selyuhan ang panalo ng Houston laban sa Golden State.
Huling natalo ang Warriors sa labas ng kanilang tahanan noong Nobyembre 22.
Nauna nang nagposte ng pitong sunod na panalo ang Golden State sa Houston.
“It’s been a good streak, disappointing end to it,” sabi ni Warriors’ coach Steve Kerr. “But we didn’t deserve to win tonight. We played pretty poorly, did a lot of things to hurt ourselves and we’re playing a great team. Can’t get away with it.”
Binanderahan ni Kevin Durant ang Golden State mula sa kanyang 26 points, habang nag-ambag si Draymond Green ng 21 markers.
Tumapos si Curry na may 19 points buhat sa malamyang 5-of-15 shooting sa 3-point line.
Sa Cleveland, nabigo si LeBron James na maitala ang kanyang 30,000 career points at hindi rin napigilan ng kanyang mga Cavaliers teammates sina Paul George, Russell Westbrook at Carmelo Anthony para kunin ng Oklahoma City Thunder ang 148-124 panalo.
Ito ang pang-apat na sunod na arangkada ng Oklahoma City.
Kumamada si George ng 36 points, habang nagdagdag sina Anthony at Westbrook ng 29 at 23 markers, ayon sa pagkakasunod, para sa Thunder.
Nalimitahan naman si James sa 18 points at pitong puntos na lamang ang gagawin para maging pang-pitong player sa NBA history na nagposte ng 30,000-points.
Sa Philadelphia, nagposte si star center Joel Embiid ng 29 points at 9 rebounds at nakalayo ang 76ers sa fourth quarter para pabagsakin ang Milwaukee Bucks, 116-94.
Nag-ambag si Ben Simmons ng 16 points at 9 assists, habang umiskor si Timothe Luwawu-Cabarrot ng 16 points markerts para sa Sixers (22-20) na inungusan ang Bucks (23-22) sa sixth place sa Eastern Conference
- Latest