Blue Eaglets diretso sa Final Four
MANILA, Philippines — Rumatsada ang Ateneo de Manila University sa third canto upang agawin ang bentahe sa nagdedepensang Far Eastern University-Diliman at kunin ang 68-65 panalo para angkinin ang unang Final Four berth sa UAAP Season 80 juniors’ basketball tournament kahapon sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Nagposte ng pinagsamang 15 points sina SJ Belangel at Dave Ildefonso para pangunahan ang ratsada ng Blue Eaglets sa third quarter at makahabol mula sa 12-point deficit.
Ito ang ika-10 sunod na panalo ng Ateneo na naglapit sa kanila sa outright finals berth.
Tumipa si Belangel ng game-high na 20 points at nagdagdag si Ildefonso ng 11 markers para sa Blue Eaglets.
Nagdagdag naman si Kai Sotto ng 16 points, 10 rebounds at 3 blocks.
Namuno si RJ Abarrientos para sa Baby Tamaraws, bumagsak sa 5-5 baraha, sa kanyang itinalang 16 points, 6 rebounds, 5 assists at 3 steals.
Sa unang laro, lalo pang pinahaba ng National University ang losing skid ng University of Santo Tomas nang kunin ang 109-75 panalo.
Umiskor si Matthew Manalang ng 25 points para sa 8-2 baraha ng Bullpups.
Sa iba pang laro, nakalikha ang Adamson University ng three-way tie sa ikatlong puwesto makaraang talunin ang University of the East, 72-66, at naitala ng UP Integrated School ang ikatlong panalo nang pataubin ang De La Salle- Zobel, 71-69. (FML)
- Latest