Kia winakasan ang 16-game losing skid
Almazan, Camson nagkarambulan sa 2nd quarter
MANILA, Philippines — Sa ikalawang sunod na laro ay muling nagkaroon ng rambulan sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Nagpalitan ng siko sa panga sina Kia power forward Eric Camson at Rain or Shine center Raymond Almazan sa 3:01 minuto ng second period.
Nangyari ang gulo sa isang rebound play kung saan hawak ng Picanto ang 34-31 bentahe kontra sa Elasto Painters.
Kinailangang awatin sina Camson at Almazan ng kanilang mga teammates at referees kasunod ang automatic ejection sa kanilang dalawa.
Sa likod ng tatlong krusyal na basket ni Glenn Khobuntin sa huling dalawang minuto ng fourth quarter ay tinalo ng Kia ang Rain or Shine, 98-94, para sa una nilang panalo sa torneo.
Tinapos din ng Picanto ang kanilang 16-game losing slump simula noong 2017 PBA Commissioner’s Cup para ipalasap sa Elasto Painters ang ikatlong kabiguan nito.
Ang split ni Beau Belga ang naglapit sa Rain or Shine sa 89-92 sa huling 2:50 minuto ng final canto.
Ang dalawang sunod na salaksak ni Khobuntin ang muling naglayo sa Kia sa 96-89 sa natitirang 1:52 minuto.
Huling nakadikit ang Elasto Painters sa 94-96 agwat sa huling 21.9 segundo kasunod ang fastbreak layup ni Khobuntin para ipreserba ang panalo ng Picanto.
Noong Sabado ay nagkaroon ng komprontasyon sina NLEX coach Yeng Guiao at San Miguel guard Chris Ross sa fourth quarter kung saan nanaig ang Beermen laban sa Road Warriors, 109-98.
KIA 98 - McCarthy 14, Cabrera 14, Yee 13, Khobuntin 11, Camson 10, Galanza 8, Celda 8, Ababou 6, Tubid 5, Sara 5, Caperal 4.
Rain or Shine 94 - Nambatac 12, Yap 11, Tiu 10, Ponferada 10, Ahanmisi 9, Norwood 8, Belga 8, Borboran 7, Maiquez 6, Almazan 6, Daquioag 4, King 2, Cruz 1, Matias 0, Trollano 0.
Quarterscores: 13-18; 40-44; 72-68; 98-94.
- Latest