Arellano lumapit sa titulo
MANILA, Philippines — Dalawang ulit nagsalpak ng goal si NCAA Season 91 Most Valuable Player Jumbel Guinabang, kabilang na ang winning goal sa extra time, para giyahan ang Arellano University sa panalo sa Game One ng NCAA Season 93 seniors football Finals kontra sa College of Saint Benilde, 3-2, noong Biyernes ng gabi sa Rizal Memorial Football Stadium.
Naunang nakaiskor si Guinabang ?sa ikatlong minuto ng laro bago naitabla ni Daniel Liozo para sa CSB.
Muling nakalamang ang Chiefs sa ika-26 minuto sa pamamagitan ng goal ni Charles Gamutan, ngunit nakapatas muli ang Blazers apat na minuto ang nakalipas matapos ang goal ni skipper Renz Tulayba.
Ikinatuwa naman ni Arellano coach Ravelo Saluria ang inilaro ng kanyang koponan.
“Happy ako. Sinunod ng mga bata ‘yung game plan lalo na sa first half,” sabi ni Saluria.
Naagaw ni defender Patrick Bernarte ang bola at ipinasa ito kay Jake Vicente na siya namang nagpasa kay Guinabang para sa clincher tatlong minuto ang nalalabi sa extension.
“Nagtataka ko kung bakit maraming nag-cramps. Puso lang talaga nu’ng mga bata,” ani Saluria.
Sa juniors finals, pinadapa ng San Beda ang CSB-La Salle Greenhills, 2-1, para makalapit sa titulo. (FML)
- Latest