Ateneo Blue Eaglets dumiretso sa ika-8 panalo
MANILA, Philippines — Bumangon ang Ateneo De Manila University mula sa isang matamlay na first quarter para gibain ang University of Santo Tomas, 78-54, sa UAAP Season 80 juniors basketball tournament sa Filoil Flying V Centre kahapon.
Ito ang pang-walong sunod na panalo ng Blue Eaglets para patuloy na pangunahan ang torneo.
Kinuha ng UST ang 18-13 abante sa first period bago sila nalimitahan ng Ateneo sa 9 points sa second quarter para agawin ang 35-27 kalamangan sa halftime.
At matapos ito ay hindi na nilingon ng Blue Eaglets ang Tiger Cubs.
Kumolekta si Dave Ildefonso, anak ni PBA legend Danny Ildefonso, ng 20 points para pamunuan ang Ateneo, habang humakot si SJ Belangel ng 13 points, 6 rebounds at 6 assists at naglista si Jason Credo ng 12 points, 6 boards at 4 assists.
Sumikwat naman sina Kai Sotto at Joaqui Manuel ng parehong 11 points at 12 rebounds para sa Blue Eaglets.
Binanderahan ni first round MVP race leader CJ Cansino ang UST mula sa kanyang 16 points at 12 rebounds
Dinaig naman ng National University, sa likod ng 21 markers ni Rhayyan Amsali, ang nagdedepensang Far Eastern University-Diliman, 86-81, at tinalo ng Adamson University ang UP Integrated School, 76-58, (FMLumba)
- Latest