Ateneo Blue Eaglets winalis ang 1st round
MANILA, Philippines — Kinumpleto ng Ateneo de Manila University ang ‘sweep’ sa first round ng UAAP Season 80 junior’s basketball tournament nang igupo ang De La Salle-Zobel, 87-63, kahapon sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.
Limang manlalaro ng Blue Eaglets ang tumapos sa double figures sa pangunguna ni SJ Belangel na may 23 points.
Nag-ambag si Joaqui Manuel ng 16 points at 13 rebounds, habang kapwa umiskor sina Dave Ildefonso at Jason Credo ng tig-13 markers.
Si 6-foot-11 Kai Sotto ay humakot ng 11 points, 16 boards at 4 blocks para sa ika-pitong sunod na panalo ng Ateneo.
Sa iba pang laro, bumawi ang National University sa nakaraang kabiguan sa pamamagitan ng 103-79 demolisyon sa UP Integrated School.
Nagtala si RJ Minerva ng 18 points at 8 rebounds at naglista si Rhayyan Amsali ng 13 markers upang pamunuan ang Bullpups sa kanilang 6-1 baraha.
Humakot ng 32 points at 25 rebounds si CJ Cansino para giyahan ang University of Santo Tomas sa 106-99 paggapi sa University of the East.
Nagtala sina RJ Abbarientos at LJ Gonzales ng pinagsamang 41 puntos para sa 96-91 panalo ng Far Eastern University-Diliman laban sa Adamson. FMLumba
- Latest