Game 3 ng NCAA Juniors Finals inilipat sa Nob. 24
MANILA, Philippines — Ang naunang itinakdang ‘winner-take-all’ Game Three ng NCAA Season 93 juniors’ basketball championship series sa pagitan ng nagdedepensang Mapua at CSB-La Salle Greenhills na nakatakda sanang ganapin ngayong hapon sa Smart Araneta Coliseum ay iniurong at inilipat din ng venue.
Magaganap ang nasabing ‘rubber match’ sa Biyernes sa Filoil Flying V Center sa San Juan City batay sa inilabas na advisory ni NCAA Management Committee chairman Fr. Glynn Ortega OAR ng season host San Sebastian College.
Ang nasabing ‘do-or-die’ game ay naitakda pagkaraang itabla ng Red Robins sa 1-1 ang serye sa pamamagitan ng 91-81 panalo sa Game Two.
Pumabor sa Red Robins ang pagkawala ni Junior Blazers’ power forward at Rookie of the Year Inand Fornilos na napatawan ng one-game suspension at nagpakatatag matapos ang maagang pagkawala ni season MVP Will Gozum sa Game Two upang makapuwersa ng Game Three.
Tumulong sina Clint Escamis at Erick Jabel kay Mythical Team member Warren Bonifacio na maipanalo ang Red Robins.
- Latest