NU teams nagkampeon sa UAAP taekwondo
MANILA, Philippines — Tuluyan nang kinumpleto ng National University ang isang ‘golden double’ matapos walisin ng women’s team ang ikalawang sunod na korona via 6-0 sweep sa UAAP Season 80 taekwondo tournament sa Blue Eagle Gym.
Umiskor ang Lady Bulldogs ng 5-2 desisyon laban sa University of the Philippines Lady Maroons.
Nauna nang naghari ang NU men’s squad sa pamamagitan ng 6-0 sweep sa men’s division sa nasabing three-day tournament.
Hinirang si flyweight Rheza Aragon bilang season MVP, habang ang gold medal ng Lady Bulldogs ay ibinigay ni bantamweight Baby Jessica Canabal.
Inangkin naman ni welterweight Arven Alcantara, ang silver medalist sa nakaraang 2017 Southeast Asian Games, ang tournament MVP honors sa paggiya sa NU sa three-gold harvest.
Ang dalawa pang gintong medalya ng Bulldogs ay nanggaling kina flyweight Noel Sabillano at middle heavyweight Dave Cea.
“Hindi po basta-basta ang ginawa po namin. Kasi from seventh place ay naging second runner-up kami, naging first-runner up, tapos ito. Nakuha namin ang championship,” sabi ni Alcantara, inilaro ang kanyang final season para sa NU. “Sobrang sarap ng feeling. Hindi ko maipaliwanag ang sarap.”
Sa likod nina featherweight Pauline Lopez, finweight IT Bermejo at welterweight Danielle Morales ay tumapos bilang runner-up ang Ateneo sa women’s division mula sa kanilang 4-2 record kasunod ang Lady Maroons.
- Latest