Gilas handang maglaro nang wala si Blatche
MANILA, Philippines — Sa kanilang send-off kahapon para sa pagsabak sa matinding FIBA Asia World Cup Qualifiers ay wala si Andray Blatche.
Sinabi ni national head coach Chot Reyes na kung hindi na darating ang 6-foot-11 NBA veteran ay handa silang maglaro nang wala ang naturalized player sa nasabing ‘home-and-away’ window series.
“We’ll never know kung ano ang mangyayari sa sitwasyon na ito,” wika ni Reyes, halatang naiinis sa ginagawang pambibitin ni Blatche, kasalukuyang naglalaro para sa kanyang mother ball club na Xinjiang sa Chinese Basketball Association (CBA).
Nauna nang inasahan ni Reyes na darating sa bansa si Blatche noong Nobyembre 12, ngunit napilitang maglaro para sa Xinjiang.
Uumaasa pa rin si Reyes na makikita niya ang anino ni Blatche bago bumiyahe ang Gilas Pilipinas sa Martes patungong Tokyo para labanan ang Japan sa Nobyembre 24 sa Komazawa Sports Gymnasium.
Mula sa Tokyo ay babalik sa bansa ang Nationals para sa kanilang unang home game kontra sa Chinese-Taipei sa Nobyembre 27 sa Smart Araneta Coliseum.
Sasailaim ang Pilipinas, Japan, Taipei at Australia sa isang double-round home-and-away series kung saan ang top three teams ang aabante sa susunod na round.
Matapos matalo sa Alab Pilipinas ni dating Gilas point guard at team captain Jimmy Alapag ay magkasunod namang tinalo ng Gilas Pilipinas ang Rain or Shine, 96-75, at ang NLEX, 95-87, sa kanilang tune-up games.
Ang Road Warriors backcourt tandem na sina Kiefer Ravena at Kevin Alas ay naglaro para sa Nationals.
- Latest