F2 Logistics iginupo ang Victoria-UST
LIPA CITY, Philippines — Dumiretso ang F2 Logistics sa kanilang pang-limang sunod na ratsada matapos patumbahin ang Victoria Sports-University of Santo Tomas, 25-22, 25-19, 25-19, sa Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Grand Prix kahapon dito sa La Salle Lipa Sentrum.
Sina Venezuelan import Maria Jose Perez at American reinforcement Kennedy Bryan ang bumandera para sa Cargo Movers.
Nalasap naman ng Tigresses ang kanilang ikaapat na dikit na kamalasan sa torneo.
Sa unang laro, bumangon ang nagdedepensang Foton mula sa naunang kabiguan matapos pabagsakin ang Sta. Lucia Realty, 25-16, 25-11, 25-16.
Nakipagtulungan si Jaja Santiago kina imports Sara Klisura at Dragana Perunicnic para sa pang-limang panalo ng Tornadoes sa torneong itinataguyod ng Mikasa, Grand Sport, Senoh, Mueller, Island Rose, Cloudfone at UCPB Gen.
Sumosyo ang Foton sa Petron sa second spot sa magkatulad nilang 5-1 baraha sa ilalim ng 5-0 marka ng F2 Logistics.
Base sa official format ng liga, ang top team matapos ang single-round elimination ang sasagupa sa No. 8 squad, habang ang No. 2 seed ang haharap sa No. 7.
Ang No. 3 seed ang lalaban sa No. 6 at ang No. 4 ang makikipagtuos sa No. 5 team sa ‘sudden-death’ quarterfinal round.
Ang mga survivors sa quarters ang aabante sa semis na magdedetermina sa maglalaro sa best-of-three finals series na nakatakda sa Disyembre 12.
Sinabi ni Tornadoes head coach Moro Branislav na mahalaga ang lahat ng laro para makamit nila ang top seed.
“This is a very tough tournament and every game is very important,” wika ng Serbian mentor. “For my opinion, we can’t take anybody lightly. We always have to be at our best, work hard and go for the win. Today, the girls showed that they really want another title.”
Nagtala si Santiago, ang reigning MVP, ng 11 kills, 2 aces at 1 block para tumapos na may 14 points, habang naglista sina Klisura at Perunicnic ng 17 at 14 markers, ayon sa pagkakasunod, para sa Foton. FMLumba
- Latest