Antonio nakadikit pa rin kay Zuniga
MANILA, Philippines — Hindi hiniwalayan ni Filipino Grand Master Joey Antonio si top seed GM Julio Granda Zuniga ng Peru sa liderato matapos makipag-draw sa 56 moves ng Sicilian Defense sa sixth round ng 50-and-above division ng 27th World Senior Chess Championship sa Acqui Teme, Italy noong Linggo.
Isinuko ng 55-anyos na si Antonio, may ELO rating na 2,431 kumpara sa 2,650 ni Granda Zuniga, ang isang pawn para mapahina ang dalawang pares na central passed pawns ng Peruvian.
Bukod kina Antonio at Granda Zuniga, ang iba pa nilang kasosyo sa liderato ay sina GM Zurab Sturua ng Georgia, GM Eric Prie ng France at International Masters Alexander Reprintsev ng Ukraine at Oliver Brendel ng Germany. Nakatakdang labanan ni Antonio si Prie sa seventh round.
Sa 65-and-above division, dinaig ng Pinoy GM Eugene Torre si untitled German Matthias Kierzek sa 54 moves ng Bogo-Indian duel para makadikit sa mga lider.
Sinamantala ng 66-anyos na si Torre ang endgame blunder ni Kierzek para ilista ang kanyang panalo at tumaas sa 4.5 points, kalahating puntos ang agwat sa six-man lead group na binabanderahan ni top seed GM Anatoly Vaisser ng France na may 5.0 points.
Kasama ni Vaisser sa liderato sina GM Vlastimil Jansa ng Czech Republic, IM Arkady Shevelev ng Israel, GM Vladimir Okhotnik ng France, GM Yuri Balashov ng Russia at FIDE Master Christina Hess ng Germany.
Haharapin ni Torre si FM Boris Gutkin ng Israel.
- Latest