Cignal HD nakabawi
MANILA, Philippines — Pinadapa ng Cignal HD ang Iriga City, 26-24, 25-23, 25-17 upang makabangon mula sa dalawang sunod na pagkabigo sa pagpapatuloy ng Philippine Super Liga Grand Prix sa Malolos Sports and Convention Center sa Bulacan kahapon.
Nagsanib puwersa sina dating Army top hitters Royse Tubino at Jovelyn Gonzaga sa third set upang pamunuan ang dominasyon ng HD Spikers na uma-ngat sa 2-3 panalo-talo kasalo ng Generika-Ayala sa ikalimang puwesto.
Dahil sa pagkatalo, ang Lady Oragons na nagwagi sa loob ng limang sets kontra sa Sta. Lucia sa una nilang laban ay sumadsad sa ikatlong sunod nilang pagkabigo.
Nagpahirap din ng husto sa Oragons ang depensa nina imports Beth Carey ng Australia at Alexis Matthews na United States katulong si Paneng Mercado.
Nagposte si Gonzaga ng 15-kills na sinundan nina Carey at Matthews na nag-deliver ng tig-10 puntos upang manguna sa panalo ng HD Spikers na nagdomina rin sa blocking department, 8-1.
“We all know that we came from back-to-back losses so we wanted to come back stronger,” ani Gonzaga na nag-stepped up sa pagkawala ng star spiker na si Rachel Anne Daquis na may iniindang pamamaga sa tuhod. “Rachel is not here, so I needed to step up for the team. We’re also coming from a loss and get this victory. We’re focusing more on our training and improving our weaknesses. I hope our streak continues.”
Nanguna naman si Serbian import Tamara Kmezic para sa Lady Oragons na nakalamang pa sa first set, 21-19 bago humataw si Gonzaga ng back-to-back hits tungo sa panalo.
- Latest