Ateneo nakauna sa Final 4
MANILA, Philippines — Pormal ng umusad ang Ateneo sa Final Four round matapos makamit ang ika-10 sunod nilang panalo nang muling pabagsakin ang season host Far Eastern University, 70-57 kagabi sa UAAP Season 80 men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Nilimitahan ng matinding depensa ng Blue Eagles ang Tamaraws sa siyam na puntos lamang sa fourth period habang nagsalansan sila ng 23-puntos upang makamit ang panalo at mapanatiling malinis ang kanilang marka.
Nagtala ng tig -14 puntos sina Raffy Verano at Matt Nieto, upang pangunahan ang nasabing panalo.
Itinala ni Verano ang walo sa kanyang season high na 14 puntos sa final period habang pitong puntos naman kay Nieto.
Katunayan, silang dalawa ang umiskor ng huling walong puntos ng Blue Eagles mula sa nalalabing dalawang minuto at pitong Segundo ng fourth canto kung saan hindi na nila pinaiskor pa ang FEU.
Bunga ng kabiguan, bumagsak ang Tamaraws sa 5-5 baraha, isang panalo ang lamang sa pumapanglimang University of the Philippines.
Sa unang laban, naitala ng defending champion De La Salle ang kanilang ikatlong sunod na panalo sa second round pagkaraang maungusan ang Adamson, 80-74.
Nagbuslo ng mga clutch baskets ang Green Archers upang manaig kontra sa Falcons at panatilihing matatag ang kapit nila sa ikalawang posisyon ng standings.
Isang 3-pointer, ang nag-iisa nyang basket sa laro ang ibinuslo ni Andrei Caracut para ibigay sa Green Archers ang bentahe, 74-72 may 1:38 minuto pang oras na nalalabi na hindi na nila binitawan hanggang matapos ang laban.
Huling pagkakataon na nakalamang ang Falcons ay sa iskor na 72-71 matapos ang dalawang free throws ni Jonathan Espeleta.
Bunga ng pagkapanalo, umakyat ang La Salle sa markang 8-2, panalo talo habang bumagsak naman ang Adamson sa 6-4 na kartada. (FML)
- Latest