Maraming pagkakamali ang Bolts—Black
MANILA, Philippines — Nang makuha ng Meralco ang 75-69 abante mula sa basket ni Cliff Hodge sa 5:56 minuto ng fourth quarter ay ilang krusyal na turnovers at mintis na tirada at free throws ang kanilang nagawa.
Ang resulta nito ay ang 86-76 panalo ng nagdedepensang Barangay Ginebra sa Game Two noong Linggo para ilista ang 2-0 abante sa 2017 PBA Governor’s Cup Finals.
“A lot of things went wrong in the last three minutes,” sabi ni one-time PBA Grand Slam champion coach Norman Black sa kanyang Bolts. “We couldn’t make our shots, we couldn’t make our foul shots.”
Ang three-point shot ni veteran guard LA Tenorio sa huling 1:07 minuto ng final canto ang nagbigay sa Gin Kings ng 82-76 kalamangan patungo sa kanilang panalo.
“The dagger was really the shot hit by LA Tenorio,” wika ni Black.
Bagama’t nahulog sa 0-2 pagkakaiwan sa kanilang best-of-seven championship series ay kumpiyansa pa rin si Black na makakabangon ang Meralco sa Game Three bukas sa Smart Araneta Coliseum.
“These are my guys, these are my players and I am sure they’re trying their best,” pahayag ng 59-gulang na bench tactician.
Umaasa rin si Black na makakahugot ng local support si two-time PBA Best Import Allen Durham, humakot ng 25 points, 22 rebounds at 7 assists sa Game Two.
- Latest