Rain or Shine nagpalakas
MANILA, Philippines — Bumangon ang Rain or Shine mula sa isang kabiguan para palakasin ang tsansang makapasok sa Top Four.
Humataw ang Elasto Painters sa second period para lumpuhin ang sibak nang Alaska Aces, 112-82, at kunin ang ikaanim na panalo sa 2017 PBA Governor’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
“We know that we’ve clinched a quarterfinals spot and we have to games left including this one,” sabi ni Rain or Shine guard Chris Tiu, kumolekta ng 9 points, 8 rebounds at 5 assists. “We were told that we have a chance at Top Four if we win the last two games and we wanted to make sure that we take care of business today.”
Sa quarterfinals ay magbibitbit ng ‘twice-to-beat’ advantage ang No. 1, 2, 3 at 4 teams laban sa No. 8, 7, 6 at 5 squads, ayon sa pagkakasunod.
Nauna nang sumakay ang Alaska sa tatlong sunod na panalo matapos ang 0-6 panimula, habang nakalasap ang Rain or Shine ng 82-89 kabiguan sa nagdedepensang Barangay Ginebra.
Isinara ng Elasto Painters ang first quarter tangan ang six-point lead, 29-23 hanggang mag-init sa second period at iposte ang 22-point advantage, 59-37mula sa basket ni Beau Belga sa huling 2:05 minuto nito.
Sa first half, nagsalpak ang Rain or Shine ng 9-of-17 shooting sa triple line kumpara sa 2-of-13 clip ng Alaska, hindi pinaglaro sina Calvin Abueva at Sonny Toss.
Lalo pang pinalobo ng Elasto Painters ang kanilang kalamangan sa 24 points, 79-55 sa 6:43 minuto ng third quarter patungo sa 98-61 pagbaon sa Aces buhat sa tirada ni Ronnie Matias sa 9:48 minuto ng final canto.
At mula dito ay hindi na binitawan ng Rain or Shine ang naturang bentahe para ipalasap sa Alaska ang ikalawang sunod na kamalasan.
RAIN OR SHINE 112 - Bullock 14, Cruz 12, Belga 12, Trollano 11, Tiu 9, Robles 9, Borboran 9, Almazan 7, Yap 6, Ahanmisi 5, Matias 4, King 4, Daquioag 4, Norwood 3, Maiquez 3, Ponferada 0.
Alaska 82 - Henton 20, Dela Cruz 12, Enciso 9, Manuel 9, Pascual 8, Casio 5, Exciminiano 5, Baclao 4, Cruz 3, Galliguez 3, Hontiveros 2, Mendoza 2, Racal 0.
Quarterscores: 29-23; 63-41; 92-61; 112-82.
- Latest