Cray, sailing team, cue artists sasabak na rin
KUALA LUMPUR - Hangad ni Eric Shawn Cray ang magtagumpay sa pagdedepensa sa kanyang dalawang titulo ngayon sa pagbubukas ng medal-rich athletics events sa 29th Southeast Asian Games sa Bukit Jalil National Stadium dito.
Ang 2016 Rio Olympian na si Cray ay nakatakdang sumabak sa 100-meter sprint at 400-meter hurdles at inaasahang malalampasan niya ang hamon mula sa kanyang mga rivals.
Sasalang ang Olongapo City-born Filipino-American sa 400-meter hurdles sa alas-3:30 ng hapon kasunod agad ang heats ng 100-meter dash kasama ang dating three-time NCAA sprint champion na si Anfernee Lopena.
“We believe in the ability of Eric Cray of performing well despite his tight schedule. We pray that he can rise up to the challenge and complete a golden double for our country,” sabi ni Philippine Amateur Athletics Association of the Philippines president Philip Ella Juico.
Pagkatapos ni Cray, sasalang naman ang isa pang Fil-Am na si Zion Rose Nelson sa women’s 100-m dash event kapalit ni 2015 champion Kyla Richardson.
Si Richardson, ang pinakabatang nagkampeon sa 100-m dash sa edad na 17-anyos noong 2015 Singapore SEA Games, ay lalahok lamang sa 200-meter race bukas at sa 4x100 at 4x400-meter women’s relays.
Uumpisahan na rin ng national sailing team ang kanilang kampanya ngayon sa pagsabak nina Emerson Villena, Lester Troy Tayong, Alaisa Belmonte at Jerene Turana sa women’s International 470 Double Handed event sa National Sailing Center sa Langkawi, Malaysia.
Ang star-studded billiards squad ay sasabak na rin sa kanilang event ngayon sa KL Convention Center sa pangunguna ng mga dating world champions na sina Efren “Bata” Reyes, Dennis Orcollo at Rubilen Amit, sa alas-10 ng umaga.
Kasama ng tropa sina Francisco Dela Cruz, Warren Kiamco, Cheska Centeno, Alvin Barbero at Jeffrey Roda. FC
- Latest