May pangako ang Gilas
MANILA, Philippines - Nabigo man silang makamit ang inaasam na kampeonato sa katatapos na 2017 FIBA Asia Cup sa Beirut, Lebanon ay nangako naman ang Gilas Pilipinas na lalo pang pagbubutihin ang kampan-ya sa mga qualifying meets para sa 2019 FIBA World Cup at sa 2020 Olympic Games.
“Maraming salamat po sa lahat ng sumuporta, nagdasal at nagtiwala sa aming lahat. Mas pagbubutihin po namin sa susunod. Sana sama-sama pa rin tayo,” sabi ni scoring guard Terrence Romeo sa kanyang Twitter account.
Si Romeo ang nagsalpak ng krusyal na three-point shot at pumuwersa ng turnover sa kampo ng Jordan sa dulo ng fourth quarter para tulungan ang Gilas sa 75-70 panalo at kunin ang seventh place ng Asian meet noong Linggo.
Ito na ang pinakamasamang kampanya ng Nationals sa nakaraang apat na edisyon ng FIBA Asia Cup matapos maging fourth-placer noong 2011 sa Wuhan, China at runner-up sa Iran noong 2013 sa Manila at sa China sa Changsha noong 2015.
“Far from the finish we wanted, but still proud of this group,” wika ni defensive guard Gabe Norwood. “Thankful for the opportunity to represent the country once again and look forward to what the future holds for Gilas!”
Mula naman sa pagtulong sa Gilas sa FIBA Asia Cup ay dumiretso si Fil-German center Christian Standhardinger sa Kuala Lumpur, Malaysia para bigyan ng lakas ang Gilas cadets sa 29th Southeast Asian Games.
“Well, obviously I feel tired but as an athlete you learn how to play through that tiredness. So I feel good as I need to feel to play the game and be hopefully efficient,” wika ni Standhardinger.
- Latest