Accel-PBA Press Corps Player of the Week
MANILA, Philippines - Tatlong players ang pinakawalan ng Star sa off-season para lamang mahugot si scoring guard RR Garcia.
At nakita ni rookie coach Jason Webb ang magandang resulta ng naturang sakripisyo.
Humugot ang 5-foot-10 na si Garcia ng walo sa kanyang 26 points sa extra period para tulungan ang Hotshots na lusutan ang Globalport Batang Pier, 105-102 at ilista ang una nilang panalo sa 2016 PBA Governors’ Cup noong Linggo.
“We gave up a lot to get him and he played like the three players we gave up,” wika ni Webb sa dating kamador ng Far Eastern University Tamaraws sa UAAP.
Ito ang ikaapat na koponan ni Garcia sa nakaraang tatlong taon sa PBA.
Sapat na ang kabayanihan ni Garcia para hirangin siyang Accel-PBA Press Corps Player of the Week at ungusan sina Blackwater center John Paul Erram, Rain or Shine guard Gabe Norwood at Alaska playmaker Chris Banchero.
Sa naturang panalo ng Star laban sa Globalport ay tumipa si Garcia ng 11-of-13 fieldgoal shooting kasama ang 3-of-3 clip sa three-point line.
Ang 26-anyos ding si Garcia ang nagbigay sa Hotshots ng komportableng kalamangan mula sa kanyang dalawang free throws galing sa deliberate foul ni Batang Pier Fil-Am guard Stanley Pringle.
Bagama’t naungusan ni Terrence Romeo, umiskor ng 27 points, sa kanilang scoring duel ay natangay naman ni Garcia ang panalo.
“I think RR pretty much adjusted pretty well,” wika ni Webb kay Garcia, nakuha nila sa isang trade sa conference break. “I am just happy for guys. He got his confidence going and it’s fun seeing him and Terrence go at it.”
- Latest