Beermen ipaparada si Reid sa Game 4 kontra sa Painters
MANILA, Philippines - Sino pa ba ang kukunin ng San Miguel kundi ang kanilang masasandalang si import Arizona Reid?
Muling kinuha ng Beermen ang 6-foot-4 na si Reid laban sa Rain or Shine Elasto Painters sa Game Four ng kanilang best-of-five semifinals series para sa 2016 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
“He’s the best available player right now,” sabi ni head coach Leo Austria sa PBA website para sa muling paglalaro ni Reid sa San Miguel.
Natulungan ni Reid, dating reinforcement ng Elasto Painters, ang Beermen sa pag-angkin sa kampeonato ng 2015 PBA Governor’s Cup.
Si Reid ang sasalo sa naiwang trabaho ni Tyler Wilkerson na sinibak ng San Miguel.
Pinatalsik ng Beermen ang 6’7 na si Wilkerson matapos makipagsagutan kay Austria sa 96-98 pagkatalo sa Elasto Painters sa Game Two.
Ilang oras bago ang Game Three noong Huwebes ay nagdesisyon si Austria na huwag nang palaruin si Wilkerson, nangunguna para sa Best Import award.
Sa kabila nito ay pinatumba pa rin ng San Miguel ang Rain or Shine, 104-98, sa Game Three para makaiwas na mawalis sa kanilang semifinals showdown.
Inamin ni team manager Gee Abanilla na umiinit ang ulo ni Wilkerson sa tuwing natatalo ang Beermen.
“Whenever he’s upset, he tends to do or say things. But he’s a nice person, it’s just that his temper gets the better out of him,” sabi ni Abanilla kay Wilkerson. “So ganun ang nangyayari sa kanya.”
Ang pagdating ni Reid, dating import ng Elasto Painters, ang inaasahang magpapalakas sa tsansa ng Beermen na makatabla. (RCadayona)
- Latest