Ateneo vs La Salle para sa UAAP Crown the final showdown
MANILA, Philippines - Magtatapos ngayong hapon ang UAAP Season 78 volleyball tournament sa labanang Ateneo at La Salle sa Game 3 ng Finals.
Muling maghaharap ang magkaribal ngayong alas-3:30 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nakahirit ng ‘winner-take-all’ ang Lady Eagles nang talunin ang Lady Spikers via five-set win noong Miyerkules sa Mall of Asia Arena upang maitabla ang serye sa 1-1.
Sa kabila ng pagkatalo, nanatiling positibo ang Lady Spikers para sa Game 3.
“Surprisingly they’re upbeat,” ayon kay DLSU athletic director Nongnong Calanog na siyang humarap sa media pagkatapos ng Game 2 noong Miyerkules.
“Kasi nu’ng nag-uusap ang lahat parang they don’t want to put their one year of hard work down the drain. So ang mindset nila, there’s nothing you can do but, you know, go back and play and see kung saan tayo nagkulang and make sure na we don’t do that on the next game. Hopefully make the adjustments,” dagdag ni Calanog.
Nakuha ng Lady Spikers ang unang dalawang set ngunit hindi sumuko ang defending champions na Lady Eagles at nakumpleto ang comeback win sa pangunguna ni three-time MVP Alyssa Valdez.
Kaakibat nito, pinuri ni Lady Eagle Jhoanna Maraguinot ang kanilang coach na si Tai Bundit sa nangyari noong Game 2.
“Power ni coach Tai. Iyon lang masasabi ko. Nasa pagka-heart strong na rin ‘yun. Kasi sa training, ginagawa namin ‘yun. Hindi talaga puwedeng bumigay. Hangga’t sa matapos ‘yung training, kailangan buhay kami,” ani Maraguinot.
Makakalaro naman sa Game 3 si Lady Spiker Ara Galang matapos ma-injure sa third set ng Game 2.
Sinasabing nagtamo si Galang ng contusion sa kanyang tuhod na nakabalik sa fourth set ng naturang laro.
Inaasahang magiging mas magandang laban ang mapapanood lalo’t hangad ng La Salle na makabawi sa dalawang sunod na pagkabigo sa Finals kontra sa Ateneo, habang puntirya ng huli ang back-to-back championships sa women’s at men’s division. (FMLumba)
- Latest