NU diretso sa UAAP Jrs. basketball finals
MANILA, Philippines – Pinatumba ng National University ang De La Salle-Zobel, 80-57 para angkinin ang outright championship berth sa UAAP Season 78 juniors basketball tournament na nagpatuloy kahapon sa Filoil Flying V Arena.
Nagtumpok si Justine Baltazar ng kanyang pang-11 double-double sa season sa kinolektang 18 points at 18 rebounds para akayin ang Bullpups sa perpektong 14-0 record sa elimination round.
Nakamit din ng NU, nagkampeon dalawang taon na ang nakakalipas, ang mahalagang ‘thrice-to-beat’ incentive dahil sa pagwalis sa double-round eliminations.
Matapos umiskor ng 10 points sa first quarter ay nalimitahan si Aljun Melecio sa 8 points sa sumunod na tatlong yugto na naglaglag sa Junior Warriors sa second place sa kanilang 11-3 card.
Pinabagsak naman ng defending champion Ateneo ang Far Eastern University-Diliman, 78-53 para sa solo third sa kanilang 10-4 slate.
Kumamada si Jolo Mendoza ng 17 points tampok ang 3-of-3 shooting sa triple area para sa Blue Eaglets.
Nahulog ang Baby Tamaraws, nakahugot ng 12 markers kay Eric Jabel, sa ikaapat na silya sa kanilang 8-6 card.
Magsisimula ang step-ladder semifinals sa Miyerkules sa San Juan venue kung saan makakalaban ng Ateneo ang FEU sa isang ‘do-or-die’ match para sa kara-ngalang labanan ang may ‘twice-to-beat’ na De La Salle-Zobel.
Tinalo naman ng Adamson ang University of Santo Tomas, 77-63, para tapusin ang kanilang season sa fifth place bitbit ang 7-7 mark, habang binigo ng UP Integrated School ang University of the East, 99-79, para sa kanilang 2-12 mark.
- Latest