Puwersadong ipanalo ang kanilang huling tatlong laro ikalawang kabiguan nalasap ng Pilipinas
SEVILLE, Spain – Nalagay sa balag ng panganib ang kampanya ng Nationals sa 2014 FIBA World Cup.
Ito ay matapos malasap ng Gilas Pilipinas ang kanilang ikalawang sunod na kabiguan sa Greece, 82-70, sa Group B sa Palacio Municipal de Deportes San Pablo.
Ang panalo ng Greeks ang nag-akay sa kanila sa Round of 16 kasama ang Croatia, inungusan ang Gilas Pilipinas sa overtime, 81-78, noong Sabado.
Pinabagsak ng Croatia ang Argentina, 90-85, habang sumandal ang Senegal kay Minnesota Timberwolves 6-foot-11 center Gorgiu Dieng para gibain ang Puerto Rico, 82-75.
Dahil sa pagkakaroon ng 0-2 record, puwersado ang Gilas Pilipinas na ipanalo ang kanilang mga laro sa Puerto Rico bukas at sa Senegal sa Huwebes.
“Do we rest Andray Blatche (against Argentina) to prepare him for Puerto Rico and Senegal?” sabi ni head coach Chot Reyes sa post-game interview. “We’ll think about it tonight and talk about it tomorrow morning.”
Nakatakdang harapin kagabi ng Nationals ang Argentina na nagbabandera kay Indiana Pacers’ forward Luis Scola.
“Inisip namin, ‘pupukpok ba kami ngayon at pahinga bukas against Argentina?’ Pero kita mo naman ang tao. Paano ka naman magde-day off niyan,” wika ni Reyes.
Kumolekta si Blatche, ang dating Brooklyn Nets center, ng 21 points at 14 rebounds sa kabila ng presensya nina 7-footers Giannis Bourousis at Georgios Printezis.
Malinaw na iniinda ni Blatche ang kanyang kanang tuhod.
“Old injury na ‘yung tendonitis niya,” wika ni Reyes kay Blatche. “But he twisted it on landing after a hard drive against Croatia kaya sumakit uli. Actually slight twist lang naman pero masakit kapag nababangga.”
Laban sa Greece ay tinira ni LA Tenorio si Kostas Papanikolaou sa huling dalawang minuto ng laro dahil sa pagkapikon.
Nakaramdam naman si Reyes ng pambabastos nang isalpak ni Kostas Kaimakoglou ang isang three-pointer kahit na panalo na ang Greece.
Matapos ang pagtunog ng final buzzer ay kinompronta ni Reyes si Greek coach Fotis Katsikaris.
“I was telling the coach you should have not made that shot. As part of coaching ethic, you have a big lead you don’t call a last-second timeout or when you have a game won, you don’t score anymore (in the dying seconds),” said Reyes.
GREECE 82 – Printezis 25, Bourousis 12, Papanikolaou 9, Calathes 9, Zisis 8, Vasileiadis 6, Kaimakoglou 5, Antetokounmpo 3, Sloukas 3, Vougioukas 2, Mantzaris 0.
Pilipinas 70 – Blatche 21, Fajardo 10, Pingris 7, Castro 5, Lee 5, Norwood 5, De Ocampo 4, Alapag 3, Tenorio 3, Chan 3, David 2, Aguilar 2.
Quarterscores: 20-10; 37-27; 58-45; 82-70.
- Latest