Pangalawang Anino (331)
TAMA naman ang hula nina Angela at Ariel.
Nagbalik nga ang mga madasalin sa simbahan. Kahit wala pang misa, marami nang tao.
Nagtsa-church visit lang. O kaya basta gusto lang magdasal.
“Ariel, hindi talaga tayo dapat sumuko. Ang kabutihan ng tao ay hindi naman talaga nawawala.”
“Nagbalik sila sa Diyos kahit hindi tinapatan ni Nanette ang lahat na mga ginawang milagro ni Yawan.”
“Dahil na nga rin siguro nakita naman ng mga tao na ang mga pinaggagawang milagro nina Yawan at Yawanaya ay hindi nagbunga ng maganda.”
Masaya silang sinalubong ng pari.
“Kahit wala tayong schedule ng misa, magmimisa ako. Ano, handa na ba kayong mag-assist sa misa?”
“Opo naman, Father. Hindi lang ho handa, excited pa.”
“Iyan ang gusto kong marinig sa iyo, Angela. Hindi ka normal na tao pero ang kabutihan mo, normal na normal.”
“Eh, Father ... siguro naman po ngayon na nakakabawi na ang kabutihan laban sa kasamaan, puwede na uli naming ii-schedule ang kasal namin ni Angela?”
“Iyan ang dapat. One hundred percent akong go diyan!”
Masayang niyakap ni Angela si Ariel. “Akala ko nakalimutan mo na ang pangako mong magpapakasal tayo.”
“Hinding-hindi. Naudlot lang kasi ang daming nangyayaring gulo. I love you, Angela. Kahit habang-buhay tayong magsisilbi sa Diyos habang nagmamahalan, hinding-hindi ako magsasawa.”
KAUSAP na ngayon ni Nanette si Roger, kaharap din si Sheila at ang kanyang mga kapatid.
“Kasama sina Yawan at Yawanaya sa bumagsak na eroplano, Nanette? Sa palagay mo, namatay sila? Hindi ba hindi naman sila ordinaryong tao?”
“Iyan nga ho ang aalamin natin, Itay. Kasi anak ninyo si Yawan at kapatid ko siya. Hindi tayo puwedeng magbale-wala sa kanila ni Yawanaya. Puntahan ho natin ang Romblon dahil doon inaahon ang mga bangkay sa bumagsak na eroplano.”
“Mag-eeroplano rin tayo para mabilis makarating?”
“Hindi ho. Kumapit lang kayo sa kamay ko.”
Nang kumapit si Roger, inangat sila ng hangin at inilipad.
Napapikit si Sheila. “Diyos ko, iba po pala talaga ang inyong kapangyarihan.”
ITUTULOY
- Latest