Pangalawang Anino (329)
NAGTAGO nga si Yawanaya sa medyo madilim na lugar ng eroplano para hindi mahalatang may aninong nakahiwalay sa tao.
Nagpatuloy naman ang pagka-unsteady ng eroplano. Dahil napakasama na ng panahon.
Maliit lang ito at kayang lipad-liparin ng malakas na hangin.
Kabado na si Yawan. Pati si Yawanaya. Talo sila ni Nanette ngayon sa labanan ng kapangyarihan kaya hindi sila nakakasiguro na sila ay hindi mamamatay.
Hanggang sa bumigay na ang eroplano.
Para lang itong laruan na nalaglag sa dagat. Pumailalim kaagad ito sa tubig.
Hindi na maririnig ang sigawan ng mga tao.
Pagdating sa kailaliman, bumaon ang kalahating katawan ng eroplano sa sahig ng dagat.
Katahimikan. Walang nakalabas pero buo pa ang eroplano.
Dumaan ang maraming oras.
Wala pa ring nakakalabas. Walang Yawan. Walang Yawanaya.
ANG presinto na dati ay puno ng mga taong nagpapagamot o kaya ay sumasaksi sa mga milagro ngayon ay tahimik na.
Mula nang tumakas sina Yawan at Yawanaya. Ang mga pulis na nagpalabas sa dalawa ngayon ay wala na rin.
Mga suspendido na.
NABALITA kaagad ang trahedya ng eroplano.
“Nakita na ang eroplano sa ilalim ng dagat, nabuksan na ng mga divers. Patay ang lahat na pasahero.” Nagbalita ang newscaster.
At lahat na pangalan ng mga nakasakay ay opisyal na ibinigay sa media.
Nabasa nina Nanette, Angela at Ariel ang balitang iyon.
“Nanette, kasama si Yawan!”
“Wala siyempre si Yawanaya, tiyak na hindi ‘yon ikinuha ng tiket dahil sino ba naman ang magbebenta ng tiket sa isang anino?” Sinabi ni Ariel.
Mixed reaction si Nanette. Hindi malaman kung malulungkot o matutuwa sa nalamang kasama sa mga namatay si Yawan.
“Kailangang magpadasal tayo sa simbahan. Alang-alang sa kapayapaan nina Yawan at Yawanaya.”
Nagpasabi ng padasal sina Nanette.
Hindi naman mahirap kumbidahin ang mga tao kapag pagsisimba ang pinag-uusapan. Napuno ng mga madasalin ang simbahan.
-TUTULOY
- Latest