Pangalawang Anino (321)
SA isang lawa na katabi ng magubat na Itom, may isang solong mangingisda sa kanyang maliit na bangka.
Namimingwit lamang siya.
Nagbabaka-sakaling makahuli ng isa o sana dalawa-tatlong isda. Pang-almusal nila ng kanyang asawang may-edad na rin.
Ang hindi alam ng mangingisda, sa ilalim ng tubig ay may tumatapat sa kanya.
Si Alona. Kung nasaan ang ilalim ng bangka, doon din lumalangoy si Alona.
Ngising-ngisi.
Mas gutom pa siya kaysa mangingisdang nasa ibabaw.
Gusto na sanang itaob ni Alona ang bangka para masagpang na ang mangingisda pero may naisip siya.
Bored na siya sa gubat at lawa. Gusto naman niyang makakita ng taong nanginginig sa takot sa kanya.
Gusto niyang patunayan na siya ay tila rin isang panginoon na kinatatakutan.
At hawak niya ang buhay ng kahit sino man.
Gusto niyang maging creative naman sa pagkain ng isang ito. Kaya lumangoy si Alona palayo sa bangka.
Mga sampung metro na mula sa bangka, saka siya lumutang.
Agad siyang nakita ng mangingisda. “H-halimaw!!! Diyos ko po! May halimaw dito!”
Ipinaling kaagad ng mangingisda ang kanyang bangka, paiwas kay Alona na naglalakad na patungo sa kanya.
Sagwan nang sagwan ang mangingisda, mabilis, palayo.
Napangisi lalo si Alona, lumangoy pailalim. Naglalaro. Lumalangoy pa rin, nadadaanan na niya sa ibabaw ang bangka ng mangingisda.
Lumutang si Alona sa direksiyon ng bangka, nakaharap sa mangingisda, hinihintay itong makalapit.
Nanlaki ang mga mata ng mangingisda nang makita si Alona sa kanyang direksiyon.
“I-inaabangan niya ako! Pinaglalaruan niya ako!”
Umiba na naman ng direksiyon ang mangingisda. Madasalin ito at taimtim na nagdasal, hindi nasisiraan ng loob.
“Tulungan Ninyo ako, Diyos ko! Magpadala po kayo ng magliligtas sa akin!”
- Latest