Pangalawang Anino (307)
AT sa harapan ng lahat, nabuhay nga ang babaing may leukemia. Na kung tutuusin, hindi alam ng lahat na sinadya itong patayin ni Yawan para niya mabuhay at mapahanga ang mga madasalin.
Bumangon ang babae, lumakas.
“Ano’ng nangyari sa akin?”
“Naku, Miling! Namatay ka na pero nabuhay kang muli! Dahil sa milagro ni Yawan!”
“At ... lumakas ako!”
Tumayo pa si Miling, humingi ng tubig at pagkain. “Gusto ko ng malamig na tubig at lugaw na mainit!”
Kagulo ang mga kamag-anak at kaibigan ni Miling.
“Oy, bumili kayo ng masarap na lugaw ni Aling Tikya sa kanto!”
“At doon na rin kayo humingi ng tubig na may yelo!”
Hindi nagtagal at dinudulutan na ng mga hiningi niya si Miling. At magana itong kumain at uminom ng tubig.
Nagsipagluhuran ang mga tao sa presinto kay Yawan.
“Ikaw na ang sugo ng Diyos, Yawan! Dahil nakakabuhay ka na ng patay!”
Nag-uusap sa isang sulok sina Angela, Ariel at Nanette. Hindi muna sila kita ng mga tao.
“Paano ngayon ‘yan, Nanette? May iba na silang sinasamba. Maniniwala pa ba sila sa iyo? Mukhang sina Yawan at Yawanaya na lang ang paniniwalaan nila.”
“Huwag tayong mag-alala. Maniniwala tayo sa katotohanan ng Diyos. Hindi Niya tayo pababayaan. Maliligaw man ang mga nananampalataya, aakayin pa rin sila ng Diyos na totoo.”
“Magpapakita ba kayo ngayon?”
Umiling si Nanette. “Hindi makakatulong kung magpapakita ako ngayon. Masyado silang nakakapit kina Yawan at Yawanaya. Kailangan ang tamang panahon. Wala namang panlilinlang na nananatili.”
May mga taong nakakakita kay Nanette.
“Aba, si Nanette o! Nandidito pala siya! Tao na siya uli! Hindi na mga pira-pirasong imahe na bato!”
“Tanungin natin siya kung ano ang masasabi niya sa napakalaking milagro ni Yawan. Siguro naman naniniwala siya! Alangan namang hindi, kitang-kita naman natin na talagang nabuhay ‘yung namatay!”
Palapit na ang tatlong usyosero kina Angela, Ariel at Nanette.
Pero nang nakalapit sila, para lang silang namamalikmata dahil wala na si Nanette. Parang naglahong bula.
- ITUTULOY
- Latest