Pang-Masa ( Leaderboard Top ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

Pangalawang Anino (206)

NAPATUNAYAN ni Nanette na mas madali ngang dalhin ang mga bata sa Diyos.

Mas madaling magtiwala.

Mas may pusong hindi marunong manisi.

NANG makakuha na si Nanette ng tubig sa balon ay dinasalan niya ito habang tinatapatan ng kamay.

Kumuha siya ng tubig sa pinaglalagyan gamit lang ang kanyang mga kamay. At lumapit siya sa isang lalaking pinakamarami ang bukol sa katawan.

“Basain ho ninyo ng tubig ang inyong dalawang kamay at ihaplos ninyo ang tubig sa inyong katawan.”

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

Umangil pa ang lalaki, hindi naniniwala.

“Kalokohan ‘yan! Tubig lang gagamot sa mga bukol na ito? Ang dami ko nang ininom na gamot na may reseta, meron ding herbal. Pero walang nangyari!”

Mahinahong sumagot si Nanette. “Kasi ho hindi ordinaryong sakit ang tumama sa mga tao dito. Sakit ho na galing sa demonyo dahil kinukulang na po kayo ng pananampalataya dito.”

“Aba, sa hirap ba naman ng dinadanas ng aming katawan kaya pa naming magdasal?”

“Mas lalo po ninyong kailangang magdasal kapag kayo ay nahihirapan. Ang paniniwala ho sa Diyos ay pinapakita, pinagsasakripisyuhan. Tulad ho ng ginagawa Niya sa atin, nasasaktan siya sa mga ganyang pananalita ninyo pero ipinapangako ko sa inyo, ihaplos n’yo lang ang tubig sa mga palad ko sa inyong katawan at hindi kayo bibiguin  ng ating Diyos.”

Natigilan ang lalaking kausap ni Nanette.

Pati na rin ang ibang nakatingin.

May napansin kasi sila sa tubig na nasa dalawang palad ni Nanette.

Walang tumutulo, walang tumatapon ... intact na intact sa dalawang palad ni Nanette na magkakadikit.

“Tingnan ninyo ang tubig, o! Ang galing ng mga palad niya kayang humawak ng tubig na walang tapon!”

“Oo nga! Parang himala!”

“Oy, Tonyo! Gawin mo na ang sinabi niya kung ayaw mo lumayo ka na diyan. Kami na lang ang mauunang gumamit sa tubig sa kanyang mga palad! Ako’y naniniwala na makakagaling ‘yan sa akin!” Sabi ng isang may-edad na babae na marami ring bukol sa katawan. Itutuloy

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1
  • Follow Us: