^

Pang Movies

Pagkaganda-ganda sana Ignacio de Loyola movie kulang sa ingay!

ISYU AT BANAT - Ed de Leon - Pang-masa

Sa simula, hindi mo sasabihing isang Filipino film ang pinanonood mo. Lahat ng elemento ng isang Hollywood-produced film ay naroroon at ma­kikita mo, bukod pa nga sa katotohanang iyon ay nasa wikang Ingles. Ang mga artista ay dayuhan. Ang bida nila ay isang Kastilang actor, si Andres Muñoz. Napakaganda ng pagkakagawa ng pelikula. Malinis. Napaganda rin ng opticals nila. Ang pagkaka-kanyon sa Kastilyo, ang ikot ng mga bituin sa langit, ang malaking plateau, lahat iyon ay computer graphics lang.

Ang pelikula ay sinasabing pinuhunanan ng li­mang­pung milyong piso, pero napakaganda noon kung ikukum­para mo sa ilang pelikula na ginawa sa ganoon ding halaga, at sa isang pelikula noong nakaraang taon na sinasabing ang production cost ay tatlong doble pa noon.

Ang pelikulang pinanood namin ay ang Ignacio de Loyola, na ginawa ng mga Heswita sa Pilipinas. Iyan din ang kauna-unahang pelikulang Pilipino na nailabas sa eksklusibong sinehan sa Vatican City, at sinasabing ipalalabas sa mga commercial theater circuits sa Europa at maging sa mga cable channels.

Ang nakakatuwa, noong matapos ang pelikula at ipakita ang credits sa closing billboard, ang nakalagay na pangalan ay mga Pilipino. Ang director ay si Paolo Dy. Naroroon ang pangalan ni Ryan Cayab­yab na siyang lumikha ng musika. Ang umawit ay ang Ateneo Choral. Nakita rin namin ang mga pangalan nina Dondon Monteverde, Erik Matti, Albert Michael Idioma, Manet Dayrit, at marami pang ibang mga manggagawa sa lokal na pelikula. Ang production staff, lahat halos ay mga Pilipino.

Pero nakakalungkot, dahil nanood kami, labin­dalawa lang kami sa loob ng malaking sinehan. Saan sila nagkulang? Palagay namin ay sa advertising. Ni wala silang display sa lobby ng sinehan. Nakikita lang namin ang mga publisidad nila sa social media. Hindi nai-play up kung gaano kaganda ang pelikula at lalo na ang buhay ni San Ignacio na napakara­ming deboto sa Pilipinas.

Huwag ninyong sabihing hindi panonoorin iyan ng mga sundalo, eh si San Ignacio ang kanilang patron, kaya nga ang simbahan ni San Ignacio ay nasa loob pa ng Kampo Aguinaldo. Huwag ninyong sabihing hindi dadagsain iyan ng mga estudyante at mga naging estudyante ng Ate­neo. Huwag ninyong sabihin na hindi panonoorin iyan ng mga kasapi ng Adoracion Nocturna Filipina, ng Apostleship of Prayer at iba pang samahan na pinalalakad ng mga Heswita. Kulang lang sila sa advertising. Pero napakaganda talaga ng pelikula.

Julio Diaz naglilinis ng pangalan sa pagdo-droga

Nagpunta na sa pulisya si Julio Diaz para linisin ang kanyang pangalan na nalaman niyang kabilang siya sa watch list ng pulisya sa Meycauayan dahil sa droga. Umamin naman siyang gumamit siya noon, pero ngayon ay matagal na niyang iniwan ang bisyo. Ganyan din ang nangyari kina Jay-R Siaboc at Alma Concepcion. Pero sa totoo lang, ma­rami pa talagang mga artistang gumagamit ng droga, lalo na ang party drug na ecstasy.

Mayroon pang sinasabi sa report na isang so­ciety columnist at TV host na minamanmanan na rin. Matagal na rin naming naririnig iyan, lalo na ang sinasabing pagtutulak nila ng ecstasy para makilala ang mga “poging type nila.”

Iyang ganyan ay nakakasira sa industriya ng pelikula at telebisyon dito sa ating bansa. Hindi kasi sila makapagtrabaho nang maayos dahil gumagamit sila ng droga. Mayroon pang mga director na ganyan din. Hindi mo na ipagtatanong, sa mga ayos at kilos pa lang alam mong gumagamit nga sila ng droga.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with