PSN Palaro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Alas naka-2 ng NCAA Player of the Week

MANILA, Philippines - Hindi natapos ang bu­­wan ng Setyembre ay muling lumabas ang hu­say ni Kevin Alas para makamit ang ikalawang ACCEL/3XVI NCAA Press Corps Player of the Week award na handog din ng Gatorade.

Si Alas ang pambato ng Letran Knights pero sa laro laban sa dating walang talong San Sebastian ay siya ang umako ng responsibilidad na ipanalo ang koponan upang walang dudang dapat na tumanggap ng lingguhang parangal na ibinibigay ng mga mamamahayag na kumokober sa NCAA.

“Bago ko naipasok iyon ang dami ko nang na­isablay na tira sa halos same spot na iyon. Tini­tingnan ko nga ang tatay ko kung ititira ko ba o hindi pero hindi niya ako tinitingnan. Mabuti na lamang at pumasok,” wika ni Alas.

Ang libreng tres na ibi­nigay ni Ronald Pascual ng Stags ang siyang nagbigay ng 82-81 panalo sa overtime sa Knights para mawakasan ang 15-game winning streak ng katunggali.

 Dahil sa pangyayari, magkakaroon ng Final Four sa NCAA na magpapalakas din sa tsansa ng Letran sa hangaring titulo sa liga.

“Ang ploy nila kapag may pick and roll kami ay binibigay nila ang jumpshot kay Kevin dahil medyo ma­las siya. Ang sabi ko nga ay atakihin na lamang niya ang depensa dahil hindi siya maka-shoot. Pero sa last play, hindi ko na siya tiningnan dahil parang naiilang siya at hinayaan ko siya na dumiskarte,” wika ni Knights coach at ama ni Kevin na si Louie Alas.

Tumapos si Alas taglay ang 22 puntos pero guma­na rin siya sa ibang aspeto ng laro sa ibinigay na 10 assists, 6 rebounds at 4 steals sa 40 minutong paglalaro.

Bago ang parangal na ito ay nauna nang hinirang si Alas sa POW matapos ang unang linggo ng buwan ng Setyembre matapos igiya ang koponan sa dalawang panalo.

Tinapos ng Knights ang nagdaang linggong aksyon sa 1-1 karta dahil una silang natalo sa host University of Perpetual Help System Dalta, 58-63, pero bawing bawi ito dahil sa ang tinalo nila ay ang number one team at dating pinakamainit na koponan ng NCAA. 

  • Follow Us: