PSN Palaro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Alcantara nagpasiklab, Capadocia kumakasa pa sa Lancer netfest

MANILA, Philippines - Nagpasiklab agad si Francis Casey Alcantara ha­bang nagpatuloy ang kinang ng paglalaro ni Ma­rian Jade Capadocia sa 21st Mitsubishi Lan­cer International Tennis Championships kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.

Si Alcantara ay sinibak si Barrett Franks ng New Zealand, 6-4, 6-0, upang mabigyan ng magandang simula ang kanyang hanga­rin na makuha ang kampeonato sa Grade I tournament sa ikatlong pagsali.

Sunod na katapat ni Alcantara, ang fourth seed sa kanyang 38th ranking sa mundo, ay si Ariez Elyaas Deen Heshaam ng Malaysia na sinibak si Johnson Campbell ng US, 6-3, 6-0.

Hindi naman nagpahuli si Capadocia, ang 14-anyos na manlalaro na unang sinorpresa si Ma­nisha Foster ng Great Britain sa first round.

Mas matindi ang nakitang laban kay Capadocia nang kailanganin niyang bumangon buhat sa pagkatalo sa first set tungo sa 3-6, 7-5, 6-2, panalo laban kay 12th seed Ekaterina Nikitina ng Russia.

Dala ng tagumpay ay umabante uli si Capadocia sa third round.

Tanging ang dalawang ito na lamang ang pambato ng bansa matapos ma­patalsik na rin si Kim Ivan Sazara na unang hi­niya si 117th ranked Nuttanon Kadchapanan, 6-3, 6-3.

Hindi kinaya ni Saraza ang top seed at number 8 sa boys na si Mate Zsiga ng Hungary sa 6-0, 6-1, kabiguan.

Si Jeson Patrombon na nagnanais na makagawa ng magandang laro sa torneong ito para tumibay ang hangaring makasali sa Youth Olympic Games sa Singapore sa Hulyo ay nasibak sa first round kontra kay James Duckworth, 6-1, 6-0. (Angeline Tan)

  • Follow Us: