PSN Palaro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

DLSU at UE nalo sa dalawang OT

MANILA, Philippines - Nag-aapoy sa init ang pagtatagpo ng De La Salle University at University of Santo Tomas na umabot sa double overtime bago tuluyang masungkit ng Green Archers ang 101-92 panalo sa nagkulapsong Tigers sa pagpapatuloy ng UAAP seniors basketball tournament.

Naglista ng career-high 21 puntos, nagbida ang baguhang si Arvie Bringas na humatak din ng 8 rebounds upang ilista ang ikaapat na sunod na panalo para makaahon at pumuwesto sa ikatlong posisyon sa standing.

Nakahugot ng unang overtime ang Green Archers sa followup ni Kish Co mula sa sumablay na tres ni James Mangahas para sa 82-all may 27.7 segundo na lamang ang natitira sa regulation.

Ang ikalawang overtime naman ay nahirit ng La Salle mula sa three-point shot ni Peejay Barua para sa 90-all iskor.

Hindi binigyan ng pagkakataon ng Green Archers na makaporma ang pambato ng UST na si Dylan Ababou at napigil ang Tigers sa isang basket na produksiyon habang na-fouled out naman sina Jeric Teng at Chris Camus.

 Nabalewala ang 19 puntos at 11 rebounds na inilista ni Ababou sa kabi-guan ng Tigers. Tumirada naman ng personal best si Teng sa kanyang 18 puntos, 7 rebounds 4 steals para sa UST na nalaglag sa 3-2 marka.

Huling makakalaban ng La Salle ang mahigpit nilang karibal na Ateneo sa Agosto 9 sa Big Dome.

Sa inisyal na bakbakan, nagbida si Pari Llagas sa 95-91 panalo ng University of the East laban sa Adamson University mula sa isa ring double overtime na laro.

Bagamat tinangka ng Falcons na maidugtong ang ikatlong extra period naagaw ni Llagas ang bola sa pasa ni Lester Alvarez kay Allan Santos na nasa ilalim ng basket.

Kasunod nito, humugot ng foul si Llagas kay Roider Cabrera para sa dalawang freethrows na nagselyo sa panalo ng Warriors. (Sarie Nerine Francisco)

  • Follow Us: