PSN Palaro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

'Di magandang prediksyon 'di dapat inihahayag ng PSC- POC

MANILA, Philippines – Hindi matanggap ng Philippine Olympic Committee (POC) ang inihayag ng Philippine Sports Commission (PSC) na mula 15 hanggang 20 gintong medalya lamang ang maiuuwi ng delegasyon para sa darating na 25th Southeast Asian Games sa Laos.

Sinabi kahapon ni POC president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. na hindi ito dapat inihahayag ni PSC chairman Harry Angping.

“Why do we predict a gloomy forecast. Hindi yata maganda ‘yang ganoong sistema,” wika ni Cojuangco kaugnay sa naturang prediksyon ni Angpin sa magiging kampanya ng Team Philippines sa 2009 Laos SEA Games sa Disyembre. “Kaya pati mga atleta natin ipapasok sa mga ulo nila na hindi pala nila kaya.”

Ang nasabing pahayag ni Angping ay nanggaling na rin umano sa kanilang pag-aaral ng istatistiko sa nakaraang kampanya ng mga national athletes sa 2005 at 2007 SEA Games.

“With the current records of our athletes, I think we need to pray for a miracle that we can win more gold medals and at least give the Philippines something to celebrate in December,” ani Angping.

Matapos humakot ng 112 gold medals sa 2005 Philippine SEA Games at angkinin ang overall championship, nahulog sa pang anim na puwesto ang bansa sa 2007 edition sa Nakhon Ratchasima, Thailand buhat sa naiuwing 41 gold medals.

Sinabi ni Cojuangco na magpapatawag siya ng isang pulong sa 25 National Sports Associations (NSA)s na lalahok sa 2009 Laos SEA Games.

“Kakausapin muna namin ‘yung mga 25 NSAs para malaman namin kung ano ang posisyon nila sa sinabi ng Philippine Sports Commission,” wika ni Cojuangco. “Mahirap naman na kami lang ang magdedesisyon at hindi na namin sila papakinggan.”

Sa hanay ng mga sports associations, sinabi ni Angping na ang swimming lamang ang nagpakita ng magandang performance mula 2005 hanggang 2007 SEA Games. (Russell Cadayona)

  • Follow Us: