PSN Palaro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Cotto, Dela Hoya nagkita

MANILA, Philippines - Sa isang hindi sinasadyang pagkakataon, nagkita sina world welterweight champion Miguel Cotto at Oscar Dela Hoya ng Golden Boy Promotions sa Bahia Beach and Golf Club sa Rio Grande sa Puerto Rico.

Ayon kay Cotto, wala silang napag-usapan ni Dela Hoya na bagay tungkol sa boxing.

"It was a normal meeting between the two of us where we only shared a game of golf," wika ng 28-anyos na si Cotto sa panayam ng Primera Hora ukol sa kanilang pagkikita ng kanyang kababayang si Dela Hoya. "We did not talk anything having to do with boxing."

Ngunit marami ang nagdududa sa naging usapan nina Cotto at Dela Hoya.

Halos anim na buwan na lamang ang natitira sa kontrata ni Cotto, ang kasalukuyang World Boxing Organization (WBO) welterweight titlist, sa Top Rank Promotions ni Bob Arum.

Naghahanap naman ang 36-anyos na si Dela Hoya, pinahinto ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao sa eight round ng kanilang non-title welterweight fight noong Disyembre ng 2008, ng bagong boksingero.

Kabilang sa mga nasa bakuran ng Golden Boy ni Dela Hoya ay sina Sugar Shane Mosley at Juan Manuel Marquez, inagawan ni Pacquiao ng World Boxing Council (WBC) super featherweight belt via split decision noong Marso ng 2008.

Pinaplantsa na ni Arum ang megafight nina Pacquiao at Cotto sa Nobyembre 14 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.

Nauna nang nadismaya si Cotto sa ginawang pagsuporta ni Arum kay dating World Boxing Association (WBA) welterweight king Antonio Margarito na tumalo sa kanya noong 2008. (Russell Cadayona)

  • Follow Us: