PSN Palaro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Motorcade para kay Pacquiao kanselado dahil sa bagyo

MANILA, Philippines – Kung hindi naging matagumpay si Briton Ricky Hatton na patumbahin si Manny Pacquiao, ang bagyong “Emong” naman ang nakaiskor ng isang ‘TKO’ sa Filipino boxing superstar.

Bunga ng pagragasa ni “Emong”, napilitan ang Team Pacquiao na kanselahin ang itinakda sanang motorcade sa pagdating ni “Pacman” ngayong umaga mula sa Los Angeles, California.

Hindi pinansin ng 30-anyos na bagong light welterweight champion ng International Boxing Organization (IBO) at Ring Magazine ang kahilingan ng Department of Health (DOH) na ipagpaliban ang kanyang pagbabalik sa bansa dahilan sa Influenza A (H1N1) virus.

Sa panayam ng Balitanghali ng QTV kahapon, sinabi ni Pacquiao na lalapag ang kanilang eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong umaga.

Idinagdag rin ng tubong General Santos City na wala siyang nararamdamang sintomas ng posibleng Influenza A (H1N1) virus.

Nauna nang iniulat ng Los Angeles ang isang kaso ng influenza virus na nakaapekto na ng 1,893 tao sa buong mundo kung saan 29 rito ay namatay sa Mexico.

Sinabi naman ni Environment and Natural Resources Secretary Lito Atienza na magtatakda na lamang sila ng bagong petsa para sa gagawing motorcade ni Pacquiao.

Sa kanyang pagbabalik sa bansa, agad na didiretso si Pacquiao sa Quiapo Church para sa isang Thanksgiving Mass na lagi nitong ginagawa matapos ang isang malaking panalo. (Russell Cadayona)

  • Follow Us: